(Huling bahagi)
NUNG MIYERKULES ay naisulat ko ang istorya na idinulog sa aming tanggapan ni Platon ‘Tony’ Madrid tungkol sa pagkakakulong ng kanyang dalawang pamangkin dahil umano sa isang krimen na hindi sila ang may sala.
Ayon sa kwento ni Tony na nung October 3, 2008 bandang alas otso y medya ng gabi ng pumunta ang kanyang pamangkin na si Hermogenes Gagan mula Las Piñas papunta sa bahay ni Tony sa Dasmariñas, Cavite upang bisitahin ang ibang kamag-anak na galing sa Romblon.
Bago makalayo si Hermogenes ay sinundo umano nito ang kababayan niya na si Nido Magcalayo sa parteng Las Piñas gamit ang Daihatsu Mini Van.
Pagdating nila sa may Molino II, Bacoor, Cavite ay may nabunggo silang jeep.
Bumaba umano ang isang naka-uniform na pulis na sakay ng jeep na nakilala na si PInsp. William T. Pelicano at pumunta sa passenger seat at pilit na binubuksan ang pinto at kinukuha ang lisensya ni Hermogenes na siyang driver ng sasakyan.
Nung pababa na si Hermogenes upang kausapin ng maayos ang pulis ay nagulat na lang umano ito dahil may narinig siyang putok ng baril at pagtingin niya ay kinuha pala umano ni Nido ang kanyang baril na kalibre 45 sa compartment ng sasakyan at binaril umano si PInsp. Pelicano.
Hindi na nakababa si Hermogenes sa pangyayari at nung bumulagta na umano si PInsp. Pelicano ay tumakbo na ito dala ang baril.
Dumating ang mga pulis na nasa loob pa rin ng sasakyan si Hermogenes. Dinala nila sa presinto 5 si Hermogenes at ikinulong.
Tumawag si Hermogenes sa kanyang pinsan na si PO1 Alfie Madrid at sinabi nitong nakabunggo siya.
Agad naman hinanap ni PO1 Madrid si Hermogenes kasama si Luis Gagan (kapatid ni Hermogenes) at natagpuan nila ang kanilang pinsan na nakakulong na.
Pagdating ni PO1 Madrid sa presinto ay nagulat na lang siya at positibo siyang itinuturo ng mga nakasaksi sa pangyayari na siya ang kasama ni Hermogenes sa sasakyan at siya ang bumaril kay PInsp. Pelicano.
Ayon sa kontra salaysay ni PO1 Madrid na hindi siya umalis ng bahay nila buong araw nung October 3, 2008 dahil ‘day-off’ niya nung araw na yun.
Umalis lang umano siya ng bahay nung tumawag ang kanyang pinsan na si Hermogenes at sinabing nabangga ang dala nilang sasakyan.
Naki-usap umano si Hermogenes na puntahan siya ni PO1 Madrid sa presinto 5 sa may Pagasa kaya agad siyang pumunta dun at isinama niya si Luis.
Pagdating sa station 5 habang papasok sila dun upang tingnan ang kalagayan ni Hermogenes na nasa loob na ng kulungan ay nakasalubong niya si Capt. Abalos.
Sinabi ni Capt. Abalos na may nakita silang I.D sa loob ng sasakyan. Sinabi agad ni PO1 Madrid na sa kanya ang nasabing I.D at siya ang gumagamit ng nasabing sasakyan pag nasa ibang bansa si Hermogenes dahil seaman ito kaya nakasabit pa ito dun at nakalimutan niyang tanggalin.
Tinanong siya ni Capt. Abalos na kung payag siyang magpa-’paraffin test’. Agad siyang pumayag at sinabing ‘Opo Sir. Hindi naman talaga ako kasama at hindi rin ako nagpaputok ng baril’.
Pagtapos nilang mag-usap ni Capt. Abalos ay sinubukan niyang tawagan ang kanyang C.O. upang ipaalam na isinasangkot siya sa naganap na patayan at sasailalim siya sa paraffin test ngunit naubusan ng ‘load’ ang kanyang cell phone kaya bumili siya ng load.
Pagbalik niya sa istasyon ng pulis bigla na lang siya itinuro ng babaeng kasama raw ni PInsp. Pelicano nang ito’y mabaril.
“Sabi ng babae ako raw ang taong bumaril sa kaibigan niya at sa kanya. Inaresto na ako ng mga elemento ng SWAT na nandun. Kinumpiska nila ang baril kong .9MM Beretta na opisyal na isyu sa akin ng PNP at cell phone at isinama na ako sa pinsan kong si Hermogenes sa kulungan,” ayon sa kontra salaysay ni PO1 Madrid.
Dagdag pa ni PO1 Madrid na hindi tugma at taliwas sa karanasan ng isang taong katulad ko na lumantad at magpakita sa publiko lalo na sa mga alagad ng batas na nag-iimbestiga mismo ng nangyaring pamamaril kung totoong ito ang siyang may kagagawan.
Ang normal at inaasahang gagawin nito ay magtago. Hindi ito nangyari sa kanya. Sa halip kusang-loob pa umano siya na pumasailalim sa paraffin test sapagkat hindi siya sangkot sa naganap na pamamaril at lalong hindi siya nagpaputok ng baril.
“Ang tanging kasalanan ko lang ay pinuntahan ko ang pinsan kong si Hermogenes bilang pagtugon sa kanyang paki-usap na tulungan siya dahil nasangkot ang kanyang sasakyan sa isang banggaan at ng naiwan ko sa sasakyan ni Hermogenes ang isang I.D na ginamit namin nung Asean Summit nang ipahiram niya sa akin ito. Mula sa kontra salaysay ni PO1 Madrid”
Dagdag pa ni PO1 Madrid na isa siyang tauhan ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas. Sumailalim siya sa mahigpit na pagsasanay, pagsunod sa pinanumpaang tungkulinin at paggalang sa mga nakakataas sa kanya. Hindi niya magagawang bastusin ang opisyal na kagaya ni PInsp. Pelicano. Ang barilin pa kaya siya? ‘Malamang kung ako ay naroon ng maganap ang banggaan ng sasakyan, ang tanging magagawa ko lang ay sumaludo sa kanya.’
Ayon naman sa kontra salaysay ni Hermogenes Gagan na inaamin niya na siya ang driver ng isang Daihatsu multi-cab nang ito ay bumangga sa isang jeep at kasama niya nung gabing yun ang kanyang kaibigan na si Nido Magcalayo na naka-upo sa ‘passenger seat’.
Bago sila umalis ay inilagay umano ni Hermogenes sa compartment ng sasakyan ang lisensyadong kalibre 45 na pistola at nakita umano ito ni Nido.
Pagkatapos ng banggaan ay nagpasya si Hermogenes na bumaba upang kausapin ang driver ng jeep. Halos kabababa pa lang niya ng sasakyan nang bigla na lang siya nakarinig umano ng sunud-sunod na putok ng baril.
Hindi na niya maalala kung ilan at kung saan ang mga putok nanggaling dahil sa bilis ng mga pangyayari.
“Sa kabiglaan ay napabalik ako sa driver seat ng sasakyan. Naka-upo pa rin ako ng sasakyan nang datnan ako ng mga pulis na humuli sa akin. Nung pagbalik ko sa kina-uupuan ko napansin ko kaagad na wala na si Nido. Hindi ko na siya nakita at nang tingnan ko ang compartment na nilagyan ko ng baril ay wala na rin pala ito kaya pumasok sa isip ko na si Nido ang kumuha ng baril ko,” ayon sa kontra salaysay ni Hermogenes.
Pagdating sa istasyon ng pulis ay tinawagan umano agad ni Hermogenes si PO1 Madrid at sinabing nabangga ang Daihatsu at pinaki-usapan niya ito na pumunta ng pulis station.
Pagdating na istasyon ng pulis ni PO1 Madrid ay itinuro siya ng isa sa mga babaeng testigo na siya raw ang bumaril sa pulis kaya siya din ay hinuli at ikinulong kasama ni Hermogenes.
October 30, 2008 ng lumabas ang resolution sa kasong Murder, Attempted Murder at Violation of P.D. No. 1866 na pinirmahan ni Prosecutor Julius Cesar G. Peralta ng Imus, Cavite Prosecutors Office at naisampa ito sa korte.
December 9, 2008 ng mag-file sila ng Motion for Reconsideration kay Prosecutor Peralta.
“Mahirap ang mga nangyari. Kawawa naman ang dalawang pamangkin ko na hanggang ngayon ay nakakulong ng walang kasalanan. Sana naman makulong na ang tunay na may sala para matapos na ito. Hustisya para kay PInsp. Pelicano at sa dalawang pamangkin ko ang tanging dalangin namin,” pahayag ni Tony.
Binigyan namin siya ng referral kay Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco ng Prosecutors Office ng Imus, Cavite upang ma-follow up ang resolution ng Motion for Reconsideration na finile nila. (Kinalap ni Jona Fong)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com