LIBU-LIBO ang nakiisa kahapon sa protest march na isinabay sa pagdala kay Rebelyn Pitao, 21, sa kanyang huling hantungan Sa Davao Memorial Park kung saan siya inilibing.
Bakas sa mga mukha ng mga nakiramay ang malaking katanungang kung sino nga ang pumaslang sa anak na babae ni Leoncio Pitao, alias Commander Parago ng 1st Pulang Bagani Command ng New People’s Army. Iyon ay dahil hanggang ngayon, wala pa ring resulta ang imbestigasyon na sinasagawa ng multi-agency Task Force Rebelyn.
Natagpuang patay si Rebelyn noong March 5 na nakalutang sa isang shallow creek sa Carmen, Davao del Norte na may maraming saksak sa katawan at bugbog ang mukha isang araw pagkatapos siyang dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Bago Aplaya, dito sa Davao City. Maging ang genitals ni Rebelyn ay may lacerations na indikasyong kung hindi ito pinasukan ng matigas na bagay, siya ay ginahasa nga.
Ayon kay Chief Supt. Pedro Tango, head ng Southern Mindanao regional police office, ang impormasyon na tahasang binulgar ni Commander Parago ang siyang sinusundang lead ngayon ng Task Force Rebelyn sa imbestigasyon ukol sa karumaldumal na pagpatay kay Rebelyn.
Inakusahan ni Commander Parago ang may 11 sundalong mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines Military Intelligence Group at ng Military Intelligence Battalion ng 10th Infantry Division, na may kagagawan sa pagdukot at pagpatay kay Rebelyn.
Sinabi ni Tango na walang ibang lead ngayon ang mga imbestigador ngunit tanging ang impormasyong binigay ni Commander Parago. Kaya nga sinulatan ni Tango si Commander Parago at maging ang asawa nitong si Evangeline na kailangan nilang mag-presenta ng solid na ebidensya na magpatunay na ang mga nasabing sundalo nga ang mga salarin.
Ayon kay Tango, isinantabi muna ng mga imbestigador ang ibang possibilities sa kung sino ang pumatay kay Rebelyn dahil ang pinaka-logical daw para sa kanila ay ang sundan ang lead o impormasyon na binigay mismo ni Commander Parago.
Sinabi rin ni Tango na sinulatan din niya si Maj. Gen. Raymundo Ferrer, ang commander ng Armed Forces Eastern Mindanao Command (Eastmincom), na magpalabas ng directive sa mga commander ng mga sundalong binanggit upang sila ay isailalim sa imbestigasyon.
At kapwa ang Lower House at maging ang Senado ay handa ring imbestigahan ang kaso ni Rebelyn.
Ngunit sinabi ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero sa isang panayam dito kahapon na ayaw din niyang magpadalus-dalos sa imbestigasyon at kailangan munang siguruhin na talagang may kinalaman ang mga sinasabing sundalo sa pagdukot at pagpatay kay Rebelyn.
Ayaw ni Chiz na i-short circuit ang imbestigasyon ng Senado at kailangan munang patunayan na may sala nga ang mga binanggit na mga sundalo. Kasi nga hindi naman din tama na sila ay akusahan at kakasuhan para lang may mai-presenta ang pamahalaan at maipakitang solved na nga ang kaso.
At ito nga ay magsilbing hamon at maging isang oportunidad para sa pamahalaan at maging sa Armed Forces of the Philippines bilang institution, na ipakita nila na talagang ginagawa nila ang lahat sa pagtugis sa tunay na mga salarin sa walang-awang pagdukot at pagpatay kay Rebelyn.
At huwag naman sana na ang kahahantungan ng kaso ni Rebelyn ay siya ay maging panibagong numero o istatistika lang sa humahabang listahan ng mga biktima ng extra-judicial killing dito sa Timog Mindanao.