DAMAY ang buong Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa nabulgar na pagtanggap ng isang commissioner nito ng suhol sa may-ari ng Legacy Consolidated Plans. At sino ba ang nakaaalam, baka hindi lang ang Legacy ang nakapagbigay ng suhol kay Commissioner Jesus Martinez. Sino ang nakaalam, siyempre ay sila-sila lang. Baka ang iba pang opisyal ng SEC ay nakinabang din at sobra-sobra ang natamasa nilang biyaya. Walang nakakaalam kundi sila lang. Hindi naman ito malalaman ng taumbayan na nagpapasuweldo sa kanila. Ang taumbayan ang labis na kawawa sapagkat ang kanilang mga pinasusuweldong taong gobyerno ay nasusuhulan. Pera-pera lang ang lahat ng mga nangyayaring transaksiyon sa gobyerno. Pawang katiwalian ang namamayani.
Nawalan ng dangal ang SEC dahil sa nabulgar na suhulan. Bahay, lupa, sasakyan at pera ang sinuhol umano ng may-ari ng Legacy na si Celso de los Angeles kay Martinez para maprotektahan ang kompanyang nabankarote. Si De Los Angeles, bukod sa may-ari ng Legacy ay kasalukuyang mayor ng Santo Domingo, Albay.
Sa pagtestigo ng dalawang dating tauhan ni De los Angeles, sinabi ng mga ito na sinuhulan ng kanilang dating boss ang SEC commissioner para mapangalagaan ang interes ng kompanya. Kabilang sa mga ipinakitang katibayan ng dalawang dating tauhan ni De los Angeles ay ang mga kopya ng tseke at voucher na ipinambayad umano sa Expidition na isinuhol kay Martinez. Ang bahay at lupa umano na isinuhol ay matatagpuan sa Parañaque. Ginamit umano ni De los Angeles ang pera ng mga depositors at pre-need holders para sa pansariling kapakanan. Ayon pa rin sa dalawa, ang perang ginastos para sa kandidatura ni De los Angeles ay pera ng mga depositors.
Nasikmura ng SEC commissioner ang ganitong gawain ng may-ari ng Legacy. Sabagay, sino ba naman ang aayaw sa suhol na talaga namang katakam-ta-kam. Isa rin namang congressman ang nasa balag ng alanganin dahil tumanggap din ng pera mula sa may-ari ng Legacy. Pera-pera lang talaga ang labanan.
Kakahiya ang SEC na pinamamahayan din pala ng mga “buwaya”. Sabagay, saan pa bang ahensiya ng gobyerno walang “buwaya”. Dapat pinagbitiw na si Martinez at imbestigahan din ang iba pang SEC officials.