(Unang bahagi)
NUNG FEBRUARY 25, 2009 nang naisulat ko ang storya na idinulog sa aming tanggapan ni Ruth Alag nung February 20, 2009 at pinamagatan ko itong ‘Sinabit si Laway...?’.
Ikinwento sa aming tanggapan ni Ruth ang kasong nagdawit umano sa pangalan ng kanyang anak na si Neil Alag o mas kilala sa tawag na ‘Laway’ kaya ito nakulong.
Ayon kay Ruth na nung February 19, 2009 bandang ala una ng madaling araw ay may narinig silang sunod-sunod na putok ng baril sa labas ng kanilang bahay sa Dagat-dagatan, Navotas City.
Paglabas niya ay nakta niya umano ang tatlong armadong kalalakihan na binabaril ang bahay nila Boyet ‘Bordado’ Soriano. Meron din itong iba pang mga kasama na nagbabantay sa kalye.
Habang tumatakbo na ang mga kalalakihang ito para tumakas ay may narinig muli sila Ruth na putok ng baril at nakita nilang umano na bumulagta ang isa sa mga lalakeng sumugod sa bahay ni Bordado at nakita nila ang isang Anderson Bermuda na may hawak umano ng baril at nakatutok pa umano sa taong nakabulagta sa kalsada.
Sinabi umano ni Bordado na kilala niya ang mga lumusob sa kanyang bahay at ito ang mga taga Sawata, Caloocan City na umano’y mga kaibigan ni Laway.
Agad na nakulong si Laway at pagkaraan ng isang araw at nakalaya din.
Matapos sabihin ni Ruth ang nangyari sa aming ‘radio program’ na Hustisya Para Sa Lahat ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez sa DWIZ 882 ay nanawagan kami kanila Bordado na pumunta sa aming tanggapan upang maibigay naman ang kanilang panig para sa isang patas at balanseng pamamahayag.
Matapos ko itong maisulat sa aking column sa PSNgayon ay inulan kami ng mga ‘text’ sa aming ‘hotline’ at tawag ng iba’t ibang reaksyon at opinyon ukol sa mga sinabi ni Ruth. Pare-pareho nilang isinisigaw KASINUNGALINGAN ang lahat ng bagay na sinabi ni Ruth.
Isang tawag ang natanggap namin galing kay Bordado at humihingi siya ng pagkakataon para naman maibahagi ang kanyang panig at ng mga taong nabanggit ni Ruth.
February 26, 2009 ng pumunta si Bordado sa aming tanggapan kasama si Anderson at ilan pang residente ng kanilang lugar.
Base sa kanyang salaysay nung February 19, 2009 ay bandang alas dose y medya ng siya’y nakauwi sa kanilang bahay si Bordado mula sa trabaho.
Umistambay muna siya sa labas ng kanyang bahay upang makipagkwentuhan sa ilang kamag-anak, nakita niya si Laway na may kausap sa tapat ng kanilang bahay na isang kinse anyos na bata na si Buboy.
Hindi nagtagal ay pumasok na rin si Bordado upang magpahinga. Bandang ala una y medya ng madaling araw ay nagising nalang sila dahil pinagbabaril na ang kanyang bahay.
“Pinapasok nila ang baril nila sa bintana ng kwarto ko kaya ang ginawa ko ay pinapalo ko ang mga kamay nila ng tubo para mahinto ang pagbabaril dahil baka mapuruhan ang asawa kong buntis,” sabi ni Bordado.
Habang nagbabarilan ay tumakbo ang kapatid niyang si Benjamin Soriano sa kanilang banyo para magtago dahil sa sobrang takot nito.
Nagulat na lang sila Bordado ng marinig nila si Benjamin na sumisigaw at sinasabing may tama siya at pinasok siya ng nakilalang si Ang-Ang sa banyo at pinagbabaril.
Sumigaw ang nanay nilang si Dinah Soriano. ‘Tama na!
Sinagot umano ito ng mga katagang, “Pasalamat ka andyan nanay mo!’.
Agad na tinakbo ang sugatang si Benjamin sa Jose Reyes Hospital. Makalipas umano ng biente minutos bago dumating ang mga pulis (sobra naman tagal ng response time n’yan) at itinuro nila si Laway.
Isinangkot siya ni Bordado at dahil marami rin nakakita sa kanya na tumakbo papuntang Sawata, Caloocan City ilang minuto bago ang barilan at ng bumalik ito kasama na ang grupo ng mga lalakeng namaril sa bahay nila at nakasugat sa kanyang kapatid na si Benjamin.
Isang eskinita lamang ang pagitan ng kanilang lugar sa Block 26 Dagat-dagatan, Navotas City at Sawata Caloocan City kaya mabilis at madalas na nagpupuntahan umano ang mga ito sa teritoryo ng isa’t-isa.
“Ang naiisip ko na dahilan kaya nila pinagbabaril ang bahay namin dahil minsan pinagsabihan ko si Laway. Diretso kong sinabi na kung manghoholdap at magnanakaw sila tatakbo sa aming lugar. Akala kasi ng mga biktima nila na taga rito sila sa amin kaya napapasama ang aming lugar,” paliwanag ni Bordado.
Hinggil naman sa akusasyon na ang isang nagngangalang Anderson Bermudo ang bumaril at nakapatay sa isang kasama nila Laway na si Ang-Ang humarap itong si Anderson sa amin upang linisin ang kanyang pangalan.
Ayon kay Anderson imposible ang ibinibintang sa kanya ni Ruth na siya ang bumaril sa nakilalang si Ang-Ang dahil nung nangyari ang barilan ay tulog na sila ng kanyang pamilya at nakakandado ang kanilang pinto at nasa lola niyang si Sonia Bermudo ang susi kaya hindi siya basta madaling makakalabas.
“Imposible ang mga sinasabi ni Ruth. Kung tutuusin ay kami pa nga ang dapat na magreklamo sa anak niya dahil pinasok at pinagbabaril din ang bahay namin ng mga kaibigan niyang mga taga Sawata. Galit sila dahil ang tatay ko parati siyang pinagsasabihan. Block leader kasi siya sa lugar namin, sabi ni Anderson.
Inamin ni Bordado na nung kinse anyos pa lamang siya ay nasangkot siya sa rambulan kung saan nakapatay siya at nagdusa sa kulungan ng siyam na taon.
“Nagdusa na ako ng siyam na taon sa kulungan at hindi basta-basta ang mga pinagdaanan ko. Mahirap makulong at hindi na ako masasangkot sa trobol dahil ayokong mabulok muli sa bilangguan,” ayon kay Bordado.
Itinanggi ng dalawa ang sinabi ni Ruth na may mga baril sila pati na rin ang mga tao sa kanilang lugar. Paliwanag nila na kung nung mga panahon na yun hindi nga sila makaganti ng putok. Pinapasok na ang bahay nila hindi nila mapigilan kaya’t may tama ang kapatid nito sa tiyan.
Minabuti naming makipag-ugnayan kay Director Leopoldo Bataoil ang Chief NCRPO upang maibsan ng tension na namamagitan sa mga taga Block 26 Dagat-dagatan, Navotas City at mga taga Sawata ng Caloocan City.
Kinausap ko rin ang Head ng Northern Police District na si Chief Superintendent Erich Javier.
ABANGAN sa MIYERKULES ang mga iba’t-ibang angulo sa kasong ito. Kung bakit mainit na magkalaban ang magkabilang panig na kung tutuusin ay magkakapit bahay dahil ESKINITA lamang ang pagitan. (Kinalap ni Jona Fong)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com