TINULIGSA ni Consumer Oil Price Watch industrialist Raul Concepcion ang energy at justice departments. Hinahayaan umano ng mga ahensiya na umabuso ang Big 3 oil companies na kontrolado ang 92% ng merkado. Patuloy na bumabagsak ang presyo ng krudo sa world market, pero mula Enero 1 naka-anim na ulit nang nagtaas ng gasoline prices ang Petron, Shell at Chevron, kabuuang P3.75 kada litro. Samantala, umamin ang isang new player na kaya pang ibaba ng P7 kada litro ang presyo ng gasolina.
Bistado ang raket. Pero puro arte lang ang naging tugon ng Arroyo admin. Nag-utos kunwari si Justice Sec. Raul Gonzalez sa interagency task force on energy deregulation na alamin kung nagkukutsabahan sa pump pricing ang Big 3. Pero binara siya ng isang huwes sa Maynila. Nito lang palang Enero ay nagsumite si Gonzales ng ulat sa korte na walang cartel ang tatlong kompanya. Kumbaga, pakitang-tao lang ang imbestigasyon. Press release lang din si Energy Sec. Angelo Reyes. Kesyo tinalian ng Oil Deregulation Law ang kamay niya kaya hindi mapakialaman ang pagpepresyo ng Big 3. Kaya magtipid na lang daw ang mga mamimili. Si Rep. Mikey Arroyo, bilang House energy committee head, pinabubulatlat kuno ang libro ng Big 3, pero tiyak walang mangyayari ru’n.
Bakit ika niyo? Kasi ang may-ari na ngayon ng Petron, na dominado ang 42% ng merkado, ay si Danding Cojuangco. Marcos crony si Danding, ngayon’y crony ni Gloria Macapagal Arroyo. Founder siya ng Nationalist People’s Coalition, na may 63 kongresista, dalawang senador at ilang meyor at gobernador na puro maka-Arroyo admin.
Naunang binili ni Danding, kasama si dating Marcos trade minister Roberto Ongpin ng Ashmore Group, ang 40% shares ng Aramco sa Petron nu’ng Mayo 2008, sa presyong $550 mil-yon. Di nagtagal, pinuwersa ng Ashmore na ibenta rin ng gobyerno ang 40% shares sa Petron sa parehong halaga. Ito raw ang right of first refusal. Mali ‘yon. Dapat nagpa-bidding ang gobyerno para makakuha ng magandang presyo, saka inalok ang Ash-more na tapatan ang presyo. Pero niluto ng Mala cañang ang bilihan.