Sa mga kasama ako’y nagtataka
sa aking pagtula ay naiirita;
Dapat na tantuing sapul pagkabata
nasanay na ako sa pagtula-tula!
Grade 4 pa lang noon ay napili ako
sa mga unit meet sa tula’y pambato;
At sa mga kubol kung buwan ng Mayo
pinatutula ng hermana’t hermano!
Sa high school sa tuwing mayr’ong comvocation
kasama sa program pagtula ko roon;
Kapagka may reyna saka koronasyon
itong inyong lingkod makatang marunong!
Saka nang mag-college sa mga timpalak
ay walang tumalo sa gawang pagbigkas;
Labanang pambansa at pang-unibersidad
sa pagsasalita sila’y tumbang lahat!
Katulad ko noon ay si Manny Pacquiao
sa bawa’t paglaban ay nagtatagumpay;
Pero bakit ngayong lumawig ang buhay
sa aking pagtula ay may umaangal!
Sa senior citizens ako ay opisyal – -
laging tumatayo na MC ng program;
Sila ay tutol ding yaong ay gampanan
wala namang ibang makuhang mahusay!
Palibhasa ako’y mahusay tumula
sa mga fund raising daming napapala!
Pulitiko’t hindi kapag nagsalita
ay nagdadatingan ang mga biyaya!
Ang mga kritiko ay bakit ba ganyan
ang nakatutulong ay gustong busalan?
Totoo sigurong “mabungang halaman”
laging binabato saanma’t kailanman!
Parang gusto nilang sila ang bayani
wala namang dunong silang masasabi;
Itong aking “talent” ay lubhang mabuti
at nagpapayaman sa Wikang Sarili!