CALLING Manila congressmen Benjamin Asilo, Jaime Lopez, Zenaida Angping, Theresa David, Amado Bagatsing at Bienvenido Abante. Pasado na sa Bicameral Conference Committee ang Tourism Act of 2009. Pabalik na po sa inyong Kamara upang aprubahan ng plenaryo. Baka gusto n’yong antabayanan upang ipaglaban ang request ng inyong mga constituents, sa pangunguna mismo ni Mayor Alfredo S. Lim, Vice Mayor Isko Moreno at ng 38 konsehal.
Ang tinutukoy ko po ay ang isyu muli ng mga “Crown Jewels” ng Maynila. Ang Intramuros, Luneta, Rizal Memorial Stadium, Paco Park, at iba pa. Lahat ng ito ay pag-aari ng lungsod at napakahalagang bahagi ng kasaysayan nito. Subalit basta na lamang pinamigay ang administrasyon ng mga ito sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaang nasyonal na wala man lang konsultasyon o pagpaalam. Maski ang usaping compensation ay kinalimutan. Walang nagawa ang lungsod, lalo na noong martial law dahil walang Kongreso na tututol sa ginawang pang-agaw. Subalit ngayon ay andiyan na po kayo. Mayroon na pong boses ang taumbayan laban sa magsasalaula sa ating mga karapatan bilang Manilenyo.
Halimbawa na lang: Bukambibig ni Mayor Lim na maibalik sa lungsod ang pamamalakad ng Intramuros. Ibinigay ito ni Pangulong Marcos sa Intramuros Administration (I.A.) sa pamamagitan ng notorious na Presidential Decree. Ani Mayor Lim, sa ilalim ng national government napabayaan ang development ng Intramuros. Ang unang gagawin ng lungsod kapag mabawi ang pamamalakad ay i-relocate ang mga squatter na pinabayaan lang ng I.A.
Batid din ng lungsod kung paanong ang Luneta ay nababoy at naging pugad ng kriminalidad hambing sa dati nitong karangyaan bilang “one of the most beautiful parks in Asia”. Ang Luneta ay pinasailalim sa Natio- nal Parks Development Committee (NPDC) na hindi naman nagawang pagandahin ito. Kasama sa NPDC ang isa pang tanyag na park, ang Quezon City Memorial Circle. Naibalik na ito sa pamamalakad ng QC Government at saksi naman ang lahat sa mga improvement na gina gawa ngayon ni Mayor Sonny Belmonte.
Sa panukalang Tourism Act of 2009 ay ililipat ang IA at ang NPDC sa ilalim ng Department of Tourism. Ngayong napag-uusapan na ito ay panahon nang magparamdam ang lungsod sa pamamagitan ng kanilang mga halal na kinatawan sa Kongreso. Kung dati’y naisahan ang lungsod, mangyayari ba itong muli ngayong nasa pu westo na ang aming mga congressmen? Hello!