Liham ng isang sekyu

MAGBIGAY-DAAN tayo sa liham ng isang mambabasa:

“Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon. Ako si Jona­than Macavinta, may pamilya, 11 taon nang security guard. Kahit papaano nakakaraos sa araw-araw sa tulong ng mahal na asawa, bagamat matagal nang walang dagdag-sahod at wala pang oportunidad makapag-trabaho abroad.

“Nais ko iparating ang isang isyu na kung malulunasan ay malaking tulong sa aming mga sekyu. Tuwing dala­wang taon kasi nag-e-expire ang aming license. Para maka-renew kailangan namin ng re-training. Malaki ang gastusin dito, humihigit sa P3,000, kasama na ang NBI clearance, drug test, neuro-psychiatrist test, firing practice, pagkain at pamasahe, Leave kami nang limang araw na re-training, kaya walang sahod. “Sana gawing tatlong taon ang bisa ng license namin, imbis dalawa lang, para menos ang gastos sa renewal. Ito ang nais ng karamihan ng kasamahan ko. Maliit lang ang sahod namin. Umaasa po kami.”

* * *

Sana may magawa ang PNP-Civil Security Group, na namamahala ng security agencies, sa kahilingan ni Jona­than. Makatarungan naman.

Kapos-sahod ang mga sekyu, pero bingit-buhay sa trabaho. Una silang target kapag tumitira ang masasa­mang-loob. Kadalasan nasasaktan o napapatay sa line of duty. Kadalasan 12 oras ang duty, hindi makaalis sa puwesto, nagtitiyaga sa katiting na baong pagkain at kape. Kung minsan ay napag-iinitan pa. Pero tagapagligtas sa amo at iba pang binabantayan.

Marami akong kilalang sekyu — sa subdivisions, sa air­ ports at pier, sa hotels at restoran, sa mga gusali at lote. Karamihan nagsisikap kumita nang malinis at marangal.

Naaalala ko ang tatlong Pilipinong sekyu sa hotel na tinigilan ko sa Macau ilang taon na ang nakalipas. Da­lawang lalaki at isang babae. Matapat sila sa tungkulin. Tuwing papasok ako, sinisigurado nilang dumadaan ako sa metal detectors tulad ng lahat. Pero pag-cleared na ako, masigasig ang aming mga kuwentuhan tungkol sa buhay-sekyu sa ibang bansa. Masaya’t malungkot sila: Masaya sa mas malaking kita sa abroad, malungkot dahil malayo sa pamilya — pinananatiling buo ang pagkatao.

Show comments