NAKIPAG-AWAY si Miriam Defensor Santiago sa mga kapwa-Senador — para lang mapamunuan ang imbestigasyon ng tatlong komite sa kutsabahan sa bidding ng World Bank roadwork nu’ng 2003. Pinuna niyang mali-mali umano ang naunang inquiry ng Kamara sa parehong isyu, dahil binalak ipatawag ng mga kongresista ang WB officials sa Maynila na may diplomatic immunity. Nagwala pa siya dahil hindi umano kumilos sina Secretaries Hermogenes Ebdane at Gary Teves, at Ombudsman Merceditas Gutierrez nang tanggapin ang WB report tungkol sa kutsabahan nu’ng Nob. 2007. Nagsakripisyo pa umano siya na pagpatuloy na paghi-hearing miski dapat naka-leave of absence dahil sa matinding pagkahapo. At nanawagan pa kay First Gentleman Mike Arroyo, sa pamamagitan ng media, na sumipot para ipaliwanag ang ulat na protektor siya ng mga nagkutsabahang kontratista.
Moro-moro pala ang lahat, wika ni Sen. Panfilo Lacson. Balatkayo, dagdag ni Black-and-White Movement spokeswoman Leah Navarro.
Tila isang script ang mahusay na sinunod ni Miriam. Kaya tulad ng naunang ginawa ng Kamara, mabilis nilang pinawalang sala ang mga kontratista. Ibinaling ang bintang sa WB dahil umano ayaw magbigay ng kopya ng report sa Senado. At pinalabas na malupit na dinamay lang sa anomalya ang kaawa-awang maysakit na Mike. Sa huli, binanta ni Miriam na ipatatawag niya sa susunod na hearing ang WB officials — bagay na nauna na niyang tinuya na hindi maaaring gawin ng mga kongresista.
Nu’ng una, maraming umasa na hahalukayin ni Miriam ang katotohanan sa kutsabahan — lalo na ang muling pagkasangkot ng kontrobersiyal na Mike Arroyo. Nadadala kasi ni Miriam ang madla sa mga salita at arte niya na animo’y si Gabriela Silang na pinamumunuan ang mga rebelde sa paglusob sa mga malulupit na Kastila.
Pero lumabas ang totoo. Ang loyalty ni Miriam ay sa Arroyo admin, kung saan siya kumandidato nu’ng 2004. Presidential adviser ang asawang si Narciso. At Malacañang ang taga-release ng kanyang pork barrel. Ayos!