NAKIKITA na rin natin ang kasukdulan ng pangungurakot sa kasalukuyang administrasyon sa isa pang imbestigasyon. Lumalabas na kaya parang malambot o malamya ang reaksyon ng Kongreso sa isyu ng Legacy ay dahil maraming kongresista ang naglagay ng pera sa nagsarang grupo ng rural banks na ito! Kaya nakapagpatuloy ng pagnenegosyo si may-ari ng Legacy group na si Celso de los Angeles kahit may nakikita na ang Bangko Sentral na kwestiyonableng pamamalakad ng kanyang mga bangko at kumpanya, ay dahil pinaniniwalaang naglagay ng pera ang mga Kongresista sa kanya! P20 million ang nakadeposito mismo ng Speaker na si Prospero Nograles. Pinasasara na nga ng BSP ang mga kompanya ni De los Angeles, pero nakakuha pa ng TRO mula sa isang huwes, kaya tuloy ang ligaya! Matagal na palang gustong ipasara ng Bangko Sentral ang Legacy— ilang taon nang nakakaraan. Pero dahil malakas at sumusuhol pihado ay nabaligtad sa korte. Kung napasarhan ito dati pa ay nabawasan sana ang mga nasunog ni De los Angeles at naisalba ang pinaghirapang pera!. Ayaw na nga niyang pangalanan ang iba pang mga kongresista maliban kay House Speaker Propero Nograles Jr. Baka tinakot na rin! Pero ang katulad ni John Resado na lumantad ang kanyang umano’y lending o pagpapautang na negosyo ay kakasuhan na ng tax evasion at kung ano-ano pa! Namimili lang ang mga kongresista ng papatawan ng hustisya, hay naku itong gobyernong ito! Ano ito?!! Nasa mga SAL kaya ng mga Kongresistang naglagay ng pera sa Legacy ang pinasok nilang pera?
Habang papalapit na ang 2010, na dapat katapusan na ng termino ni President Arroyo, lalo namang naglalabasan ang mga maruruming pagki-los ng gobyerno at ang kanilang mga alipores. Sinusulong talaga ng Kongreso ang Cha-cha para mapahaba pa ang kanilang mga marurumi at maliligayang araw. Kung para lamang sa dahilang ito kailangan talagang tutulan ang Cha-cha, at siguraduhing hindi mananatili ang administrasyong Arroyo ng higit pa sa 2010. At kung maaari, dalhin sa hustisya ang lahat ng makitaang nakinabang dahil sa katiwalian, at maparusahan ng tunay lalo’t pagkatapos ng kanilang termino!