“FIGHT for the truth as I did for three years.” Ito ang PEP TALK ni Sen. Loren Legarda kay Aquilino “Koko” Pimentel III sa pagsampa ng election protest laban kay GMA Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri noong 2007. Dama ni Sen. Loren ang hinagpis ng isang nadaya kaya ito agad namahagi ng pampalakas loob.
Malaking desisyon ang magprotesta sa eleksyon. Nakakalumpo ang gastos —– madalas mahigit pa sa inubos sa kampanya. At kung madesisyunan man ay kadalasa’y halos katapusan na ng termino bago makaupo ang nagprotesta. May kultura rin tayo na “anything goes” sa eleksyon. Sa madaling salita, kasama sa matematiks ang pagdaya. Kung hindi ito maagapan, sorry na lang. Dagdag pa rito ang kaugaliang Pinoy na “pikon-talo”. Ganito kabigat na FIGHT o laban ang kailangang harapin ng kandidato sa pagpasya ng kung sasabak pa sa protesta matapos ng proklamasyon ng katunggali.
Kaya’t tuwing may lalarga, lalo na sa mga high profile na laban gaya ng Presidential, Vice Presidential o Senatorial, mas marahil sa hindi na may katotohanan ngang ipinaglalaban. Hindi sapat na katwiran ang kahihiyan upang pumasok sa ganitong kaliit na butas ng karayom. Ang pinakamatinding paghanga ay nirereserba para sa matapang at maprinsipyong mandirigma na handang isakripisyo ang kanilang oras, kayamanan at katiwasayan para ipaglaban ang katotohanan.
Nang si Miriam ay nagprotesta kay FVR; si FPJ kay GMA; at si Loren kay Noli, nakita natin ang tindi ng kanilang paninindigan. Ganyan din ang tingin natin sa Protesta ni Koko –— parang si Don Quijote sa kanyang immortal quest for truth. Siyempre, hindi lang ang karapatang makapaglingkod ang ipinaglalaban. Kasama na rin dito ang hangaring tanggalin sa serbisyo ang hindi naman tunay na nanalo. At, higit sa lahat, ang kanyang pagdaan sa proseso ay katibayan na hindi siya nawawalan ng pag-asa sa mga institusyon ng pamahalaan.
Kaya naman kailangang itanong kay Koko – hanggang saan dadalhin ang kampanya para sa katotohanan? Si Miriam at si Loren, lumaban nga subalit hindi rin nila natagalan. Sa unang pagkakataong makabalik sa umpugan ay inabandona na ang protesta. Walang pakialam kung patuloy na makaupo man ang paniwala nila’y nandaya sa tao. Kung sila’y boundary na sa 3 years, sa iyo Sen. Koko, how many years is the truth worth fighting for?