EDITORYAL - Pagawaan ng paputok itayo sa liblib na pook

KAILANGANG may malagim munang mangyari bago gumawa ng pagbabago. Kailangang may mamatay muna bago maisip na dapat ay ganoon at ganito ang gagawin para maiwasan ang sakuna. Kung kailan huli na saka lamang naiisip ang tama.

Ganyan ang nangyari sa pabrika ng paputok sa Trece Martires City, Cavite na sumabog at pito katao ang namatay samantalang 70 ang grabeng nasu­gatan. Ngayon ay kung anu-anong imbestigasyon ang isinagawa ng pulisya at maging ng mga opis­yales ng Cavite kung bakit nangyari ang pagsabog sa pabrika. Sa lakas ng pagsabog na nangyari ng alas-diyes ng umaga noong Huwebes, nagkalasug-lasog ang mga katawan ng biktima. Ang mga parte ng katawan ay nagkalat kung saan-saan. Ipinakita sa TV ang usok na nanggagaling sa sumabog na pabrika at walang ikinaiba sa usok na nagawa ng atom bomb sa Nagasaki at Hiroshima, Japan noong World War II. Matindi ang pagsabog sapagkat lumikha ng dalawang hukay na maaaring magkasya ang school bus. Pati ang mga katabing bahay at establisimento ay nawasak at nabasag ang mga salamin ng bintana.

Ayon sa pulisya, mayroon daw tinetesting na paputok ang isa sa mga manggagawa kaya nangyari ang pagsabog at pagkasunog ng pabrika na nasa isang compound.

Ayon pa sa pulisya, sumusunod naman daw sa batas ang Star Maker Firecracker Co, at ipinasu­sunod sa mga manggagawa ang kaukulang pag-iingat. Halos lahat ng mga manggagawa ng Star Maker ay pawang sa malapit lamang ng pabrika nakatira. Ayon pa sa report isa ang Star Maker sa mga malalaking kompanya na gumagawa ng paputok at nagsusuplay sa mga malalaking malls at tindahan sa Metro Manila. Nag-eexport din ang Star Maker ng mga de-kalidad na paputok.

Kung sumusunod sa batas at nag-iingat bakit nangyari ang malagim na pagsabog. Iisa ang ibig sabihin kaya nagkaroon ng pagsabog, hindi maingat ang kompanya. Alam naman nila na ang kanilang negosyo ay ukol sa paputok at dapat alam nila kung paano mag-iingat. Hindi ito dapat kalimutan.

Siguro rin naman dapat itayo sa liblib ang mga pagawaan ng paputok para walang mapinsala. Sayang ang buhay kung paputok lang ang dahilan.

Show comments