KUNG inaakala ng isang balasubas na kolokoy ng Manila Police District (MPD) na malulusutan niya ang BITAG, puwes nagkakamali ang gunggong na ‘to.
Gusto kong mabasa ito ng mga kasamahan niya sa MPD ang kolum kong ito para magkaalaman o maaaring hindi na rin bago sa kanila.
Target ko dito ay kasamahan nila sa Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) na nag-aalaga’t namumorsiyento sa mga holdper.
Maaaring malalagay sa kahihiyan? O, maaaring ipagmamalaki ito ng kanyang mga kasamahan sa MPD-CIDU ang aking target na hinayupak.
Enero 26 (Lunes), pasado alas-9 ng gabi, sa MPD Head quarters sa may CIDU, handa na ang grupo ng BITAG sa isang isasagawang operasyon.
Binuo ang team ng CIDU upang kalawitin ang grupo ng holdaper na magsasagawa ng panghoholdap. Magkikita-kita muna ang grupong ito sa isang fastfood sa Kalaw, Luneta nung gabing ‘yun.
Noong hapon din iyon, matagumpay na naisagawa ng BITAG ang surveillance sa isang miyembro nito na positibong itinuro ng kanilang biktima noong araw ng Linggo.
Positibo rin ang tipster na hindi na namin idedetalye ang pagkatao dahil alam ang kilos at galaw ng mga miyembro ng mga holdaper na’to.
Ang plano kuno ng CIDU, hindi na raw papopormahin pa ang mga holdaper na sasakay muna ng jeepney patungong Cubao.
Subalit, biglang itinawag ng aming asset na nasa lugar din ng mga sandaling ‘yun, na mataan nila ang isang pulis na binibigyan daw ng grupo ng porsiyen-to mula sa kanilang pang hoholdap.
Tuluyang hindi na nagpakita ang grupo, nagbago na raw ang pla-no ayon sa asset. Kaya ang ginawa ng CIDU, disappear na raw kami sa aming mga puwesto dahil “no show” na ang grupo ng mga holdaper.
Salamat sa isang nagngangalang GALMAN sa CIDU. Ang mensahe ko, “galingan mo pa kolokoy, may araw ka sa amin. Pasok ka na rin sa surveillance list ng BITAG simula ngayon.”
Panoorin bukas sa BITAG sa IBC alas-9 ng gabi.
Tinutukoy ko ang isang “hudas” na pulis na hindi ko muna pa-pangalanan.