MADALAS naming napag-uusapan ni Ted (kasama ko sa “Tambalang Failon at Sanchez” sa DZMM) ang kabilisan ng hatol at kabagsikan ng parusa sa China. At ang pinakabagong halimbawa nito ay ang pagsentensiya ng kamatayan sa dalawang empleyado ng isang kompanyang gatas na napatunayang may sala sa paglalagay ng melamine sa gatas, na naging sanhi ng pagkakamatay ng ilang sanggol, at pagkakasakit ng ilang daang tao. Marami pa ang nahatulan ng panghabambuhay na pagkabilanggo, kasama pa rito ang may-ari ng kompanya na 66-anyos na babae! Wala talagang kinilingan ang kanilang hukuman, na sa tingin nang marami, ay lantaran na paglalabag sa karapatang pantao. Wala namang magagawa ang mundo dahil batas nila ang nasusunod. Napahiya rin kasi nang husto ang China dahil sa iskandalong ito, kaya ipinakita lang sa mundo na pinarurusahan nila ang mga salarin. Kaya madalas naming daing na sana ganyan din kabilis at kabigat ang parusa sa mga kriminal sa ating bansa.
Pero kung nakinig kayo sa imbistigasyon ng Kon greso sa alegasyon na sinuhulan si DOJ prosecutor John Resado, mukhang hindi na talaga mapaparusahan ang mga tunay na salarin! Walang tigil pa rin ang patutsada ng dalawang magkabilang kampo. Binuweltahan naman ni Resado ang PDEA. Siniwalat na tinangkang suhulan siya ng abogado ng PDEA na si Alvaro Lazaro! Nagpahapyaw daw si Lazaro kay Resado na bilisan ang pagbasura sa kaso laban sa Alabang Boys, at siya na raw ang bahala sa pag-aayos ng papeles, pati pag-uusap kay Director Santiago! Pero marami ang hindi makapaniwala, kasama na ako. Bakit ngayon lang niya inilabas? Kung may pagkakataon na siyang ilantad ito noong unang pagdinig ng Kongreso sa kaso ng suhulan? Suhulan din lang naman ang pinag-uusapan, bakit hindi pa ibinunyag? Dahil ba naiipit na siya sa mga tanong ukol sa perang pumasok sa banko niya, na nagkataon ay natapat sa araw kung kailan niya nilag-daan ang pagbasura sa kaso ng Alabang Boys? At dahil mismo sa mga pahayag niya, tila mas malalim pang butas ang kinalalagyan niya ngayon. Mga kasong hindi pagbayad ng tamang buwis hanggang sa hindi pagdeklara ng tamang SAL!
Wala na talagang mangyayari sa kaso ng Alabang Boys kung patuloy ang bangayan at bintangan ng DOJ at PDEA. At habang tumatagal ang bintangan at kontra-bintangan, walang nangyayari sa laban para masugpo ang ilegal na droga. Kaya maraming ilegal na droga dito, kasi halos wala namang napaparusahan hindi katulad sa China na kamatayan ang parusa.