KASO ng isang Ford Fiera na nakarehistro sa pangalan ni Danding at minamaneho ni Chona. Habang binabaybay ng Fiera ang highway noong hapon ng July 19, 1994, bigla itong kumabig dahil putol ang kalsada, sumampa sa bangketa kung saan nakatayo ang 15-anyos na si Ruel. Hindi nakapagpreno si Chona at nasagasaan ang binatilyo.
Dahil sa nangyari, maraming natamong pinsala ang binatilyo. Nabali ang mga buto niya sa hita at binti. Nabugbog at namuo ang dugo sa mga ugat at laman niya. Upang masagip ang kanyang buhay, kinailangang putulin ang dalawa niyang binti hanggang sa tapat ng kanyang ari. Napilitang huminto ng pag-aaral si Ruel at harapin ang buhay gamit lamang ang dalawang kamay.
Nagsampa ng reklamo sa korte ang tatay ni Ruel laban kay Chona at kay Danding dahil siya ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan. Tumakas si Chona at nawala na lamang. Si Danding lang ang naiwan upang managot sa kaso. Ayon sa kanya, hindi na siya ang may-ari ng Fiera nang maganap ang aksidente. Ibinenta na raw niya ang sasakyan kay Roger noong Marso 29, 1994. Ibinigay raw niya ang original certificate (OR) at certificate of registration (CR) ng sasakyan kay Roger sa pag-aakalang ililipat na nito ang papeles sa kanyang pangalan. Kaya ang ginawa ni Danding ay magsampa ng kontra demanda laban kay Roger. Ayon naman kay Roger, ibinenta na niya ang sasakyan kay Abudo noong Hunyo 20, 1994. Nagsampa rin ng kaso si Roger laban kay Abudo.
Pagkatapos ng paglilitis, nagdesisyon ang korte pabor kay Ruel. Dineklara na dapat bayaran nina Danding at Roger ang halagang P300,000 (compensatory damages), P150,000 (moral damages), P18,982.85 (gastos sa hospital) at P30,000 (gastos sa abogado). Si Danding lang ang umapela. Ngunit pareho pa rin ang naging desisyon ng Court of Appeals. Tama ba ang korte at ang Court of Appeals?
TAMA. Ang nakarehistrong may-ari ng isang sasakyan ang siyang may responsibilidad sa publiko para sa anumang pananagutan, danyos o pinsala na maaaring mangyari dahil sa sasakyan kahit pa nga naibenta na ito sa iba.
Kung hahayaan ang rehistradong may-ari na makatakas sa kanyang responsibilidad sa pamamagitan lamang ng pagbibigay ng pangalan ng taong pinaglipatan o pinagbentahan nito, madali na para sa kanya na ilipat ang responsibilidad sa sinuman lalo sa isang walang kakayahang magbayad sa pinsalang nangyari.
Simple lang naman ang dahilan kung bakit madaling magparehistro ng sasakyan. Ang layunin nito ay upang madaling matukoy kung sino ang may-ari at kung sino ang may responsibilidad sakali mang may aksidente, pinsala o sakuna dahil sa sasakyan. At hindi upang pahirapan ang sinuman sa pagtukoy sa kung sino ang dapat managot.
Dahil nakarehistro pa rin ang Fiera sa pangalan ni Danding nang maganap ang aksidente, hindi siya makakatakas sa nangyaring pananagutan kay Ruel (Cadiente vs. Macas, G.R. 161946, November 14, 2008).