ANG kasalukuyang krisis pinansiyal ay patunay na kahit ang pinakahiganteng bansa na may matatag na ekonomiya ay maaaring malumpo. Sino ang mag-aakala na babagsak ang mga pinakamalalaking banko? Sino ang mag-aakala na babagsak ang mga malalaking kumpanya,na matatag at matibay?” Sino ang mag-aakala na ang Intel, isa sa pinakamalaking microchip maker sa mundo na nag-eempleyo ng libu-libong Pinoy ay nagsara na.
Kakatapos lang nang pagkawala ng mga inihulog sa educational plans dahil sa maling palakad ng Pacific Plans at College Assurance Plans heto at marami na raw kasunod na mga pre-need companies na nanganganib. Nasa bingit na raw ng bangin at mahuhulog na. Itong balitang ito ang nagdudulot ngayon ng pangamba sa lahat ng may mga kontrata pa sa mga pre-need na kompanya. At natural lang iyon. Sino naman ang matutuwang malaman na hindi na magagampanan ang pangako ng kompanya na sila ang sasagot sa matrikula ng kanilang anak, maging kabuuan o bahagya man? Kaya nga maraming bumili ng mga kontrata na iyan ay para wala na silang masyadong iisipin kapag magagamit na ang kasunduan.
Pero hindi naman bago rin itong pangyayari. Alam na ng lahat ang pagsara ng CAP, Pacific Plans at Platinum Plans. Kailan lang ay may nagsarang tatlong pre-need companies, bagama’t mga maliliit na kompanya lang ito. Nagpahayag naman ang isang kalihim ng SEC na ang mga natitirang kompanya ay malulusog pa raw, at dapat lang na magpatuloy sila sa mga ginagawa nila para tuluyang makabangon na nang husto ang industriya. Sana nga ay totoo ang pahayag na ito.
Natatandaan pa natin kung ano ang ginawa ng Pacific noong 2002 na basta nagsara na lang ng mga tanggapan nila. Ito ring gobyernong ito ang panay ang press release na hindi mawawalan ng trabaho ang OFW’s. O heto na at daang-libo na yata ang nawawalan ng trabaho na OFWs at mga nasa multinational company dito sa Pilipinas ngayon! Nakakanerbiyos kapag sinasabi tuloy nilang “walang problema”.
Tanging ikaw ang amo ng iyong kinabukasan. Kapag maganda ang paghanda mo sa kinabukasan, hindi ka magkakaproblema. Mahirap talaga kapag ang kinabukasan mo ay pinauubaya mo rin sa iba. Noong araw, baka mas madaling magtiwala dahil maganda ang takbo ng negosyo sa pangkalahatan. Pero dahil sa nangyayari ngayon, ang payo na mabibigay ng maraming eksperto sa lahat.? Kung wala naman talagang problema ang mga kompanyang ito, eh di mabuti. Pero gayunpaman, matuto na rin tayong humawak sa sarili nating buhay, pera at kinabukasan ng pamilya natin.