Sampaguita ay bulaklak na mabango
Pambansang Bulaklak nating Pilipino;
Ang talulot nito ay isang simbolo
Ng ganda at bait at saka talino!
Tumutubo ito sa matabang lupa
Lalo’t ang nagtanim ay taong mat’yaga;
Mga mamamayang mayaman at dukha
Ito ay bulaklak na dinadakila!
Bulaklak na ito’y tinutuhog-tuhog
Ginagawang kwintas ng mayama’t kapos;
Sa mga lansanga’y mga batang musmos
Nagbebenta nito upang may magastos!
Sa gabi kung ikaw ay maglakad-lakad
Kabanguhan nito’y humahalimuyak;
Sa gitna ng bukid kung kasama’y dilag
Sinasamyo pa lang akala mo’y yakap!
Sa umaga’t hapon sa mga simbahan
Ay maraming tao ang nababanguhan;
Sila’y dumadalo sa mga kasalan -–
Na ang dekorasyon –- Bulaklak ng Bayan!
Una sa kasalan may mga nagtapos
Kaya sa graduation ito rin ay tampok;
Sampaguita garland sa estudyante’y handog
Ng ama at inang luha’y umaagos!
Kaya wala ka nga na hahanapin pa
Sa ganda at bango nitong Sampaguita;
May mga okasyong ito’y laging bida
Pagka’t nasa ulo ng hari at reyna!
At sa huling oras ng tao sa mundo
Itong Sampaguita’y dala rin ng tao;
Doon sa libingan hukay man o nitso
Isinasaboy din bulaklak na ito!
May mga bulaklak iba’t ibang kulay
Ginawang pahiyas korona ng patay;
Nasa sentry nito’y bulaklak na tunay -–
Bulaklak ng Lahing kalinis-linisan!