NAKIKINI-KINITA na ng mga kongresista ang kauuwian ng kaso ng “Alabang boys” drug-trafficking suspects. Masyadong marahan si Justice Sec. Raul Gonzalez sa pakitungo kay Atty. Felisberto Verano, na bastos na nag-draft sa DOJ letterhead ng release orders ng tatlong mayamang bihag ng Philippine Drug Enforcement Agency. At masyadong maagang nagdamdam si Gonzalez sa TV interview nu’ng Huwebes na “tiyak akong babatikusin ng publiko oras na katigan ko” ang malalamyang prosecutors na nais i-dismiss ang kaso. Pinitik din ni Gonzalez ang mga dating kasamahan sa Kamara na kesyo biased sila laban sa prosecutors. At mainit ang dugo niya kay PDEA Maj. Ferdinand Marcelino, na nagbunyag ng P50-milyong suhulan sa DOJ para pahinain ang kaso laban sa “Alabang boys”.
Ibig sabihin ng lahat ng ito, anang mga kasapi ng House committee on dangerous drugs, ay idi-dismiss nga ni Gonzalez ang kaso at palalayain ang tatlo. Ito’y sa kabila ng pagbunyag ni Dave at Anthony Brodett, under oath sa committee hearing, na ang isa sa “Alabang boys”, ang sariling pamangkin-pinsang Richard Brodett, ay totoong drug user at pusher.
Titiisin ni Gonzalez na masangkot sa paratang na P50-milyong suhulan. Mahalaga sa kanya na pagtakpan ang mga taga-DOJ. Balewala sa kanya ang contradictory testimony ni Undersecretary Ric Blancaflor na kesyo ayaw kuno makialam sa kaso, pero inutusan naman ang sekretarya na ihatid ang release order, na gawa-gawa ni frat brod Verano, sa mesa ni Gonzalez. Balewala rin sa justice secretary na si Chief State Prosecutor Jovencito Zuño ay hindi tumutupad sa utos niya na huwag mag-release ng drug suspects hangga’t hindi pa narerepaso ni Gonzalez ang kaso. Niluluto na ng NBI ang “imbestigasyon” sa suhulan. Palalabasin nila na gawa-gawa lang ni Marcelino ang kuwento, Kasi halata nila na kabado ito ilantad ang sources. Magmamaang-maangan din ang NBI na kunwari’y wala silang mahanap na alias “Mike Muslim” at “Atty. Alex Tan” na nagla lakad ng release papers, miski bantad sa DOJ na fixers ang dalawa sa opisina ni Gonzalez.