TAUN-TAON, sinasabi ng Philippine National Police (PNP) na paiigtingin nila ang pagkumpiska sa mga illegal at delikadong paputok na ibinibenta sa kalye. Naglalabas din sila ng mga listahan ng mga bawal na paputok. Sabi ng PNP hindi sila mangingimi sa pag-raid sa mga tindahan na may mga illegal at delikadong paputok. Ito ayon sa PNP ay para masiguro na hindi makakabili ang mamamayan ng mga paputok na delikado. Karaniwan nang ang mga paputok na tinda sa kalye ay walang kalidad kaya kapahamakan ang kinahahantungan ng mga nagpapaputok. Marami nang naputulan ng daliri, nabulag, nalapnos ang mukha at katawan at higit sa lahat nagdudulot ng sunog na tumupok sa maraming ari-arian.
Ngayon ay panibagong babala na naman ang sinabi ng PNP sa mga magtitinda ng illegal na paputok, hindi sila titigil hangga’t hindi nakukumpiska ang mga ito. Inilabas ng PNP ang listahan ng mga bawal na paputok at ito ay ang mga sumusunod: Atomic Bomb, Bawang (malaki), Giant Whistle, Judas Belt (malaki), Kwiton, Lolo Thunder, Og, Plapla at Watusi. Ang mga paputok na ito ay lubhang delikado at maaaring mapahamak ang masabugan.
Subalit ang babala ng PNP ay tila naman hindi nakapagdulot ng nerbiyos sa mga pasaway na store owner at vendor na lalo pang inilaladlad ang kanilang mga paputok na karamihan ay ang mga illegal. Tila ba ang babala ng PNP ay nagdaan lang sa kanang taynga at walang anumang lumabas sa kabila. Naiisip siguro nila na maaaring “lagyan” ang mga pulis sakali man at sila’y mahuli. Makakaya nilang lusutan dahil “pera-pera” lang ang lakad ng mga parak.
Kaya hindi nakapagtataka na sa kabila na pinagbabawal ang mga paputok ay bakit marami pa rin ang nakabibili nito. Bakit patuloy ang pagpapaputok sa mga kalsada ng mga bawal na plapla, Judas Belt at Atomic Bomb? Nakalulusot sa mga pulis o hinahayaan dahil nga mayroong lagay. Hindi sana pawang babala lang at pananakot ang PNP sa panahong ito. Aksiyon ang kailangan para ang mga delikadong paputok ay hindi mapasakamay ng mamamayan na magdudulot naman ng kapahamakan. Mas magandang makita na sa January 1, 2009 ay buo pa ang mga daliri.