GUMAGANDA ang imahe ng Philippine National Police kapag ang pinaguusapan ay tungkol sa kriminalidad sa Philippines my Philippines.
Sabi nga, mabilis pa sa alas kuatro solved ang mga krimen.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, hindi lang mga asset ng mga kapulisan ngayon ang nagbibigay ng impormasyon sa PNP pati ang madlang people sa Republic of the Philippines.
Ang ibig sabihin nito ay bumalik na ang tiwala ng madlang pinoy sa Philippine National Police kaya naman mabilis masugpo ang krimen.
Ika nga, basta sama-sama happy together.
Sa Enero 4, ay 100 days na si Chief PNP Jess Verzosa sa kanyang pagkaka-upo sa trono ng kapulisan sa Philippines my Philippines kaya naman manggugulat este mag-uulat pala ito sa madlang public tungkol sa accomplishment ng kapulisan sa ilalim ng kanyang leadership.
Isa sa kinabibiliban ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang paglusaw sa anim na malalaking grupo ng mga walanghiya na tinumba nito lamang December.
Nangamatay sila dahil pumalag sa kapulisan!
Sabi nga, sumalangit nawa ang kanilang mga kaluluwa. Hehehe!
Kung sumuko lamang ang mga kamote sa ating mga bida sana na-enjoy pa nila ang Christmas season gaya ng ipinagdiriwang ng Sambayanang pinoy.
Ika nga, sayang sila!
Sa nangyaring tigukan blues ay pumasok ang Commission on Higher Education este mali Human Rights pala para mag-imbestiga kung lumabag sa karapatan pantao ang mga tulisan este mali kapulisan pala sa sinasabing ‘rules of engagement’.
Sabi nga, imbestigasyon katakut-takot!
Hindi lang bilib ang mga kuwago ng ORA MISMO, sa mga katanungan ng mga pamilya ng mga sundalo at kapulisan na namatay dahil sa ‘call of duty’.
Tanong nila-bakit kapag ang mga militar o kapulisan ang nayayari ay walang imbestigayon ang CHR tungkol sa pangyayari.
Sabi nga, bakit?
Sagot - CHR lang ang makakasagot!
Isang pamilya ng pulis ang natigok sa pagtupad sa tungkulin pero ng ilibing ito kamakailan ay hinahanap ng kanyang mga naiwanan pamilya ang katawan este mali kinatawan pala ng Human Rights para kahit papaano ay makiramay o makidalamhati sa pangyayari.
Wala ni isa sa Human Rights na dumalo.
Sabi nga, pangpa-pogi lang ang partisipasyon nila? Hehehe!
Balik isyu, sa mga tarantadong kriminal at scalawag na katulisan este mali kapulisan pala pinag-iingat kayo ni Verzosa dahil ang sabi niya “REFORM OR PERISH” at sa palagay ng mga kuwago ng ORA MISMO, hindi ito nagbibiro.
Sabi nga, serious si General!
Abangan.
Euro Generals, malapit na!
KUNG ang mga kuwago ng ORA MISMO, ang tatanungin sa kaso ng binansagan ‘Euro Generals’ sa palagay ng una absuelto ito sa batas ng tao at mata ni Lord.
Ang kasalanan lamang nila sa palagay ng mga kuwago ng ORA MISMO, ay ang hindi pagdedeklara o paglabag sa mga regulasyon at alintuntunin na pinaiiral ng Bangko Sentral ng Philipines my Philippines.
Sabi nga, multa lamang ito?
Malamang ilabas na rin ang hatol sa kanila sa taon 2009 kaya dapat itong hintayin ng madlang pinoy.
Lumakas lamang ang banat sa mga binansagan ‘Euro Generals’ dahil sa mga kritiko nito na ang ilang sa mga feeder ay ang mga kamoteng kumakalaban sa administrasyon at ang mga tulisan na hindi hinirang ng malakanin este mali Malacañang pala sa pagka-Chief PNP.
Kung sinu-sino sila iyan ang hindi alam ng mga kuwago ng ORA MISMO.
Ang masama kasi may napipisil na si GMA para sa puesto pero marami pa rin ang sumusulot kahit na wala na silang pag-asa pa sa trono sa PNP.
Siempre ang pinagkakatiwalaan ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang i-uupo niya sa puesto.
Tama ba, Kamote?
Sa mga kritiko, better luck next time pero kung ako sa inyo mag-tired este mali retired na kayo!
Ayos ba!