DAHIL ayaw pahalagahan ng Senado o Kamara ang pagkakapatay ng pulis sa tatlong sibilyan sa shootout sa Parañaque, media ang pumupuno. Kahit paano, sa pagbatikos ng media sa pulis, makakakuha ng katarungan ang mga biktima.
Dalawang teorya ang isinusulong ngayon ng mga komentarista. Una, ang Special Action Force ay sanay lang umanong makipagbakbakan sa mga komunistang gerilya o separatistang Moro. Sa gubat o bukid ang mga enkuwentro nila. Mala-militar ang mga palitan ng putok; kahit sino ang kumilos sa panig ng kalaban ay inaasinta. Bihira lang nagtitira ng bihag ang SAF. ‘Yan umano ang taglay na pag-iisip ng SAP operatives na isinabak sa operasyon kontra sa mga armadong magnanakaw sa siyudad. Napadaan lang ang van ng mag-amang Alfonso de Vera at edad-7 na Lea Alyanna sa gitna na putukan ng SAF at magnanakaw, pinaulanan na rin ng bala. Patay tuloy ang dalawa. Patay din si Ronald Eusebio, supervisor ng Skyway Corp. Napadaan lang din ang motorsiklo niya sa humahabol na SAF sa mga magnanakaw, pinaputukan na. Kasi raw, anang heneral nila, nakaitim na helmet at jacket, kaya akala kalaban. Utak pambundok nga ang SAF kung gan’un.
Ikalawang teyorya, kulang umano sa pagsasanay ang SAF sa pagpapaputok. Dahil dito, takot daw sila mapasabak. At dahil sa takot, kahit sino at kahit ano’ng gumagalaw sa gitna ng bakbakan ay pinapuputukan. Kung may pusa na tumawid sa gitna ng labanan ng SAF at magnanakaw, malamang ay nag kagutay-gutay sa tama ng bala ng pulis.
May sariling teorya ang pamunuan ng Philippine National Police. Anila nawalan kuno ng ground commander ang mga SAF nang gurlisan ng bala sa ulo ang colonel na ground commander. Dahil nawalan ng hepe, naging bara-bara umano ang kilos ng SAF. Kung sakali mang nagkagan’un, ibig sabihin kulang sa training ang mas mabababang opisyales ng SAF.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com