INAKUSAHAN si Diego ng panggagahasa kay Ana (hindi tunay na pangalan), anak ng kanyang ka-live-in.
Umiiyak na isinalaysay ni Ana ang sinapit niya kay Diego. Noon daw Marso 3, 2001, bandang 3:30 ng madaling-araw, pagkaalis ng kanyang ina at kapatid papuntang palengke kung saan mayroon silang puwesto, ay ginahasa siya ni Diego. Dinetalye ni Ana ang lahat ng kahalayang ginawa sa kanya pati na ang pagtutok sa kanya ng balisong sa kanang bahagi ng kanyang leeg.
Hindi itinanggi ni Diego ang nangyari sa kanila ni Ana. Pero ayon sa kanya, pareho nilang ginusto ito. Hindi raw niya tinakot o pinuwersa ang dalaga. Magnobyo raw silang dalawa. Bilang patunay, isinumite niya ang isang dokumento — “Kasunduan naming dalawa” sa korte na pinirmahan ni Ana isang araw bago siya ginahasa ni Diego bagaman ang nakalagay na petsa ay Disyembre 10, 1999.
Ayon sa dokumento, tumanggap si Ana ng P1,500 kay Diego at inaasahan niya ang patuloy na pagdating sa kanya ng ganitong halaga kada buwan. Kapani-paniwala ba ang depensa ni Diego?
HINDI. Gasgas na ang palusot na ito ng mga lalaking nagsasamantala sa kahinaan ng kanilang biktima at pagkatapos ay ipipilit na magnobyo sila ng kawawang babae. Iniinsulto ng argumentong ito ang katalinuhan ng huwes na nagpapasya sa kaso.
Una sa lahat, upang makumbinsi ang hukuman sa alibi na ito, kailangang kapani-paniwala ang mga ebi densiya tulad ng mga sulat, retrato o anumang bagay na kukumbinse sa korte na magsiyota ang dalawa.
Sa kasong ito, ang direktang pag-amin ni Diego na may nangyari sa kanilang dalawa ni Ana ay patunay na ginawa niya ang panggagahasa. Kung talagang nobya niya si Ana, siya ang may responsibilidad na patunayan ang relasyong ito sa pamamagitan ng matibay na ebidensiya.
Hindi sapat ang isinumiteng “Kasunduan”, patunay lang ito na tumatanggap si Ana ng pera at inaasahan niya ang patuloy na pagtanggap ng pera mula kay Diego. Kung ano man ang dahilan kung bakit tumatanggap siya ng pera ay hindi na gaanong malinaw.
Isa pa, kung talagang totoo nga na magsiyota ang dalawa at mayroon silang relasyon na pinagkasunduan nilang ilihim sa ibang tao, hindi na kailangang mag-imbento si Ana ng kuwento para makasuhan si Diego. Walang matinong babae na pipiliing ibunyag ang kanilang bawal na relasyon para lamang pagtawanan at hiyain sila ng ibang tao. Lalong hindi niya gugustuhing harapin ang galit ng kanyang ina na siyang talagang ka live-in ni Diego (People vs. Tuazon, G.R. 168102, August 22, 2008).