LAHAT na lang sa gobyerno pabenta, daing ni dating Speaker Joe de Venecia. Mula pinaka-mataas na pinuno hanggang mga kongresista at lokal na opisyales, aniya, nabibili ng kawatang kontratista at Malacañang. Batid din ng madla ang korapsiyon sa hudikatura. Nanawagan na nga si Archbishop Angel Lagdameo, presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, ng paglilinis sa burokrasya. Nagkalatas din ang samahan ng mga edukador. Gan’un din ang Makati Business Club at Management Association of the Philippines.
Tungkulin ng Presidente pangunahan ang paglilinis. Nu’ng Pebrero, bumuo si Gloria Arroyo ng dalawang task force na makikiugnay sa mga simbahan, akademiko at negosyante sa paglaban sa katiwalian. Una ang Anti-Red Tape Task Force sa ilalim ni Trade Sec. Peter Favila. Naroon din ang Procurement Transparency Group ni Budget Sec. Rolando Andaya Jr.
Walang nangyari sa dalawang grupo. Ningas-kogon lang ang lahat. Nagpakitang-tao lang si Arroyo na kunwari’y namumuno sa paglilinis.
Nu’ng Pebrero pa lang, kinuwestiyon na ni Bacolod Bishop Vicente Navarra ang sinseridad ni Arroyo. Simulan aniya ang paglilinis sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga katiwalian sa Malacañang. Nu’ng Pebrero kainitan ng usaping ZTE-NBN scam dahil sa pagkidnap kay whistleblower Jun Lozada. Nauna rito sinangkot nina Joey de Venecia at Dante Madriaga si Arroyo at asawang Mike sa “tongpats”.
Ngayon naman kapapatay lang ng bayarang House committee on justice sa impeachment complaint kay Arroyo. Pinagtakpan hindi lamang ang ZTE-NBN scam kundi pati ZTE-Diwalwal, Northrail, fertilizer, at swine scams; panunuhol sa mga kongresista para laruin din ang 2007 impeachment niya; ang pandaraya sa 2004 elections; ang pagpatay sa mga militante; at ang pagbigay ng teritoryo sa mga separatistang Moro.
Tama ang sariwang pagsusuri ni Bataan Bi-shop Soc Villegas. Huwag natin iatas sa mga tiwali ang paglilinis sa gobyer- no. Sila ang problema, kaya hindi sila magiging solusyon.