Nakapagtatakang ang Numero Trese
Ay iniuugnay sa masamang swerte;
Kung maglalakad ka ay dapat sa tabi
Upang di masaktan o kaya’y masawi!
At kung Biyernes Trese saanman naroon
Maging maingat ka sa gawain ngayon;
Sa araw na ito sa buong maghapon
Kung di ka maingat baka ka yumaon!
Kung may ginagawa sa labas ng bahay
Ang dapat hipuin dapat pag-ingatan;
Kung ikaw ay palpak at hindi matibay –
Sa mumunting tibo baka ka mamatay!
Kaya sapul noong tayo’y mga musmos
Ang Numero trese ay nakatatakot;
Sa paglalaro lang baka matapilok
Sa mumunting gasgas baka ka matigok!
Sa araw na ito’y magbakasyon muna
Sa balak mag-abroad o puntang Maynila;
Kung magtutuloy ka ay baka mabangga
Sinasakyang bus o kotseng magara!
Balak na manligaw sa araw na ito
Ipagpabukas na upang di malito;
Sa sagot ng mutyang akala mo’y Oo
Aba’y hindi pala pagka’t ika’y bigo!
Malalaking hotel mataas na condom
Doo’y naobserbahang wala ring 13th floor;
Kaya itong Trese saan man paroon
Hindi ginagamit nitong populasyon!
Kaya ang hiwaga’y di natin maisip
Ito ba’y imbentong di natin malirip?
Ito ba’y tradisyong natanim sa dibdib
Kaya hanggang ngayon tayo’y nanganganib!
Hindi kaya ito’y base sa simbahan –
Naghari si Jesus sa nasabing bilang;
Kitang-kita natin sa mga larawan –
Labintatlo sila sa Huling Hapunan!