Hindi kailangang mag-umpisa ulit

ANG kaso ay tungkol sa apat na parselang lupa sa Bicol na isinailalim ng director ng Bureau of Lands sa proseso ng kadastre mula pa noong Hulyo 7, 1970. Isa sa mga umaangkin sa nasabing apat na parsela ay si Nora.

Noong Set. 17, 1975, matapos ang paglilitis, naglabas ng desisyon ang korte. Ipinag-utos nito na iparehistro sa pangalan ni Nora ang nasabing mga lupa. Naging pinal na ang desisyon. Sa kasamaang-palad, bago pa makapaglabas ng sertipikasyon ang korte, nasunog ang lahat ng rekord noong Hunyo 26, 1976.

Walang ginawa si Nora sa nangyaring pagkasunog ng mga dokumento. Noong Okt. 24, 2002, saka pa lamang siya nagsampa ng petisyon para humingi ng rekonsti­tusyon ng mga rekord ng desisyon ng korte noong Set. 17, 1975.

Ipinaalam ang usapin sa piskalya at sa LRA. Nag-paskil din ng kopya ng kautusan ng korte ngunit hindi     ito inilathala sa Official Gazette (OG).

Nagdesisyon ang korte sa kaso. Ipinag-utos na buuin muli ang rekord ng desisyon noong Set. 17, 1975 tutal naman ay may kopya ang LRA nito. Samantala, dahil walang paglalathala sa OG, inatasan si Nora na mag­sampa ng panibagong petisyon ng rekonstitusyon. Hindi raw kasi nagkaroon ng kapangyarihan ang korte sa kaso dahil sa nangyaring hindi paglalathala.

 Ayon naman sa Republika, hindi raw petisyon para sa rekonstitusyon lang ang dapat isampa ni Nora kundi panibagong kaso sa pagpapatitulo ng lupa. Tama ba ang Republika?

MALI. Ang pangunahing layunin ng rekonstitusyon ay ang muling pagbubuo ng mga nawala o nasirang doku­mento upang ang naudlot na kaso ay tuluyang matapos. Kung ang mga rekord ay nawala at walang nangyaring rekonstitusyon, ang korte at ang mga taong sangkot ay dapat mag-umpisa sa punto kung kailan may makukuha pang rekord. Hindi maaaring balewalain ang lahat ng nangyari sa paglilitis dahil lamang nawala ang mga rekord. Dapat bigyang respeto ang lahat ng nagawa ng korte.

Kapag nawala o nasira ang mga rekord ng korte, kahit pa anong estado ng paglilitis, imbes na mag-umpisa muli, ang gagawin na lamang ay magkaroon ng rekonstitusyon at ituloy ang kaso.

Hindi maaaring parusahan si Nora na muling mag­sampa ng kaso sibil sa pagpapatitulo ng lupa at muling sumailalim sa panibagong kadastreng paglilitis. Ang maaaring solusyon ay ang pagsasampa ng petisyon ng rekonstitusyon at ang paglalathala nito alinsunod sa Sec. 10, Art. 3110. Sa kaso ni Nora, dahil may pinal na desisyon na ang korte pabor sa kanya, ang decree na lamang ang kinakailangang buuin (Republic vs. Royales, G.R. 168742, September 3, 2008). 

Show comments