NAGING karanasan na ng bansa na kapag malapit na ang election season, tumataas ang kaso ng kriminalidad: Kidnapping; holdup; jueteng; droga.
Kaya ang tanong ng barbero kong si Mang Gustin “ito kaya’y fund raising ng mga dirty politicians na balak tumakbo sa 2010 national elections?” Well, your guess is as good as mine.
Pero kahit ano mang panahon maganap, ang krimen ay hindi dapat pahintulutang mangyari ng mga tagapagpatupad ng batas. Kung paminsan-minsan lang nang yayari ang mga buktot na krimen, puwede sigurong palampasin. Pero kung madalas, aba’y ibang usapan na iyan.
Nakapanghihilakbot ang naganap na bank robbery sa loob mismo ng UP campus na ikinasawi ng dalawang guwardiya at isang bank teller. Ang kakatwa, hindi pinapayagang makapasok sa UP campus ang mga kagawad ng Philippine National Police pero bakit nakalusot ang mga unipormadong pekeng pulis na dumale sa armored van ng Philippine Veterans Bank? Masyado pa’ng high-powered ang mga dalang sandata na ang bala’y tumagos sa armored van.
Palibhasa’y tinatawag na “Diliman Republic” ang UP dahil may sariling police force, Hindi puwedeng makialam ang PNP sa mga krimen na nangyayari sa loob ng compound nito. Off-limits makapasok ang mga alagad ng PNP. Ang dahilan, pinoprotektahan daw ang mga student activists laban sa posibleng panggigipit ng mga pulis.
Isang insidente lang iyan. Sa Mindanao, namamayagpag na naman ang kidnap-for-ransom activities ng mga tulisang Abu Sayyaf. Nagsimula ito sa pagkidnap ilang buwan na ang nakaraan kay ABS-CBN TV host Ces Drilon na napalaya matapos magbayad ng kung ilang milyon pisong ranson. Nagkasunud-sunod na ang insidente. Kamakailan ay pinalaya naman ng mga bandido ang 24-anyos na nurse na si Preciosa Feliciano matapos magbayad ng ransom ang pamilya niya na umaabot umano sa halagang P1.2 milyon.
Dalawa pang aid worker ang nasa kamay ng mga tulisan. Ito ay sina Merlie Mendoza at nursing student Anthony Pilanga at ang ransom demand para sa kani-lang paglaya ay dumadagundong na P20 milyon.
Hindi pa naman umaabot sa Kamaynilaan at ibang bahagi ng bansa ang ganyang insidente pero babayaan pa mang mangyari ito? Pero kung nagtatagumpay ang mga kidnaper sa Basilan na makakuha ng limpak-limpak na milyones, malamang maging inspirasyon ito ng ibang grupo para sila’y gayahin. Iyan ay bagay na dapat tanurang mabuti ng ating kapulisan.
Ang problema, ang mga masasamang-loob ngayon ay halos wala nang kaibhan sa mga pulis dahil sila man ay naka-uniporme rin at high-tech ang bitbit na mga sandata. Sa ganyang mga pangyayari, lalung nababatikan ang reputasyon ng ating pulisya. Iniisip tuloy ng marami na ang mga taong dapat mangalaga sa kanila ay siya pang sangkot sa mga krimen.