NAKAANTABAY at nag-aabang-abang na ang BITAGna maipasa ang House Bill No. 4315 o Cyber Boso Bill ni Buhay Party List Representative Irwin Tieng.
Padagdag na kasi nang padagdag ang listahan ng mga suspek na isasalang namin dito. Kahapon lamang sa BITAG Live ay ipinakilala namin si “May”, ang pinakabagong biktima ng pagpapakalat ng sex scandal.
Swak na swak ang kaso ng biktimang si May sa Cyber Boso Bill dahil ang suspek na kanyang inirereklamo, ipinapakalat ang kanilang sex video.
Ang siste, ipinagyayabang sa buong barangay ang nangyari sa kanila. Ang masahol pa rito, nagpapamigay pa ito ng edited copy ng kanilang sex video na naka-CD pa.
Dalawang Linggo na ang nakalipas ng unang lumapit sa BITAG si May, inirereklamo niyang may kumakalat na sex video sa kanilang barangay kung saan siya ang laman ng sex video. Usap-usapan pa ito noon at hindi niya pa nakikita ang nasabing video kaya’t wala pa kaming pruweba na ipinakakalat nga ang kanyang scandal.
Nitong Lunes, bumalik si May sa amin upang ipakita ang kumakalat na kontrobersiyal niyang sex video sa suspek dahil isa sa mga napagbigyan ng kolokoy, ay pinsan niya. Ito ‘yung pinakamagandang halimbawa ng ipinapasang batas na Cyber Boso Bill. Kumuha at nagdokumento ng isang priba-dong gawain at pagkatapos ay ipinakakalat at ipinapakita sa maraming tao upang sirain ang kanyang biktima.
Nakapanghihinayang na hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapasa ang batas na ito. Ayon kay Rep. Tieng, marami na ang sumuporta sa kanyang ipinapapasang batas at may mangilan-ngilan pang hindi nabibigyan ng atensiyon ito.
Panawagan ng BITAG sa ating mga mambabatas, pag-ukulan ng pansin at bigyan sana ninyo ng prayoridad ang Cyber Boso Bill.
Lumalaki na ang bilang ng mga nabibiktima nito at ang mga suspek, malayang nagagawa ang paninira at krimen sa kanilang biktima. Hanggang batok pa ang ngiti ng mga hinayupak na ito, bakit nga ba hindi, e wala namang batas na magbabawal at paparusa sa kanilang ginagawa. BITAG na mismo ang kumakatok sa inyong mga pintuan na suportahan at ipasa ang House Bill No. 4315, marami na kaming kasong tulad ng kay May at kung gusto niyo, padadalhan namin kayo ng kopya ng makumbinsi kayo.
Samantala habang inaabangan namin na maipasa ang Cyber Boso Bill, may pantapat pa rin naman kami para sa mga suspek na nasa likod nito. BITAG way ang tawag namin dito. Kung ano man ito, abangan lamang sa BITAG! Hindi man sila makulong sa malalamig na rehas ng bilangguan, kapag nakaharap nila ang BITAG, hindi na nila gugustuhin pang lumabas ng kanilang lungga habambuhay!