Sa bilog na mapa ng ating daigdig
Bansang Pilipinas kay ganda ng hugis;
Mga pulo itong matikas ang tindig
At asul na dagat ang nasa paligid!
Kung pagmamasdan mo’y pulong watak-watak
At waring hinati ng hanging habagat;
Ito’y mga islang umusbong sa dagat
Nililok ng Diyos kung kaya mapalad!
Mga tao rito’y iisa ang lipi
Mga mamamaya’y iisa ang lahi
Ang kalakhan nito ay may tatlong hati
Subali’t iisa ang layuni’t mithi!
Kinilalang Luzon, Visayas, Mindanao —
Mga tao rito’y iisa ang pakay;
Maraming dayuhang dito ay nangamkam
Pero lahat sila’y umuwing duguan!
May mga bayaning dito ay nagtanggol
Na pawang nabulid sa bundok at burol;
Sa mga dayuha’y di sila umurong —
Ipinakilalang matapang ang Pinoy!
Matatapang sila’t hindi natatakot
Sa mang-aaliping masama’t balakyot;
Kaya itong bansa sa mapang mabilog
Ay tinitingala sa buong sinukob!
Mga kabataang dito’y isinilang
Nagmana ng giting sa mga magulang;
Ang talim ng diwa’y mula kay Gat. Rizal
At kay Bonifacio nagmana ng tapang!
Subali’t sa ngayon ang iisang pulo
Pinaghaharian ng takot at gulo —–
May mga kalahing ang gusto’y mamuno
Hihiwalay silang bukas ay di tanto!
Kaya ang dalangin nitong ating pitak
Sana ay maghari ang damdaming tapat;
Itong mga pulo’y magkaisang ganap
Sa dulong silanga’y manatiling Perlas!