KUNG hindi nagkaisa ang mga taga-North Cotabato, Iligan City at Zamboanga City, baka ngayon ay malaking bahagi na ng kanilang lugar ang sakop ng Bangsamoro Republic na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang naghahari. Ang mga namumuno sa tatlong nabanggit na lugar ang nagsampa ng petisyon sa Supreme Court para mapigil ang pirmahan ng GRP panel at MILF sa Malaysia sa kontrobersiyal na Memorandum of Agreement (MOA) on Ancestral Domain. Ito yung kasunduan na magpapalawig sana sa sakop ng Bangsamoro Republic kung saan ay makapagtatayo sila ng sariling batas.
Ang pipirma para sa gobyerno ay kinabibilangan ni Presidential Adviser on Peace Process Hermogenes Esperon.
Pero hindi na makakahirit pa si Esperon o maski si President Arroyo sapagkat dineklarang illegal at labag sa batas ang MOA. Tuluyan na itong ibinasura ng Supreme Court. Ayon sa Supreme Court, ang pagkakagawa ng MOA ay “whimsical, capricious, oppressive, arbitrary at despotic”. Nanaig ang botong “8-7” para ibasura ang MOA.
Paano kung nakalusot ang MOA na batbat pala ng illegal ang nilalaman? Sabi pa ng mga nagsusulong ng MOA, ito raw ang magiging daan para magkaroon ng lubusang kapayapaan sa Mindanao. Nagpahayag pa noon si Mrs. Arroyo na hindi pa raw lubusang tapos ang usapan ukol sa MOA na ibig sabihin, marubdob ang kanyang hangarin na ma-expand ang Bangsamoro Republic. At ganyan din naman ang tila gustong mangyari ni Esperon kaya masyado siyang agresibo para maisulong ang pirmahan sa Malaysia. Kakatwa rin namang tila nanakot pa ang Malaysia sa maaaring mangyari kapag hindi natuloy ang pirmahan. Ano ba ang paki alam ng Malaysia sa problema ng Pilipinas? Hindi sila dapat nakikialam sa usapin ng ibang bansa.
Ngayong naibasura na ang MOA, hindi naman dapat ihinto ng military ang paghahanap sa mga mamamatay-taong lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kinabibilangan ni Kumander Kato at Bravo. Paigtingin ang paghahanap sa kanila at kapag nahuling buhay ay pagbayarin nang mahal sa ginawang pagpatay sa mga kawawang sibilyan. Doblehin pa ang pagsisikap para madakip ang dalawang mamamatay-tao.