KAMI ni Presidente Erap ay natutuwa dahil ang aming panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay maraming natutulungang OFWs.
Ang pursigido at sinserong pag-asiste sa mga OFW ay isa sa mga pangunahing misyon ni Jinggoy, na chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Noong Agosto 14, 2008, dumulog sa tanggapan ni Jinggoy si Ms. Olivia Aquino at hiniling na matulungang makauwi sa Pilipinas ang kapatid na si Omega Ocampo.
Si Omega ay pinangakuan umano ng trabaho ng kanyang recruiter bilang saleslady sa Italy subalit ipina-sok na domestic helper sa Syria. Dahil minaltrato at tinratong parang alipin ng kanyang amo, napilitang tumakas si Omega.
Agad inasikaso ni Jinggoy ang kalagayan ni Omega at nakipag-ugnayan kay Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo sa pamamagitan ni DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Esteban Conejos, at kay Labor Secretary Marianito Roque sa pamamagitan na man ni Atty. Felicitas Bay na OIC ng International Labor Affairs Service (ILAS) ng DOLE.
Araw-araw tinututukan ng tanggapan ni Jinggoy ang sitwasyon ni Omega. Noong Agosto 28, maayos na nakauwi ito sa Pilipinas at muling nakapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.
Base sa datos ng Blas F. Ople Policy Center, mayroong humigit-kumulang na 6,000 Pilipino sa Syria, at karamihan sa kanila ay kababaihang ipinasok doon bilang mga domestic helper. Marami umano sa mga ito ay biktima ng human trafficking at dahil undocumented o iregular ang pananatili at pagtatrabaho nila sa naturang bansa ay namamaltrato at naaabuso sila ng kanilang employer.
Umaapela si Jinggoy sa DFA upang mabilisang magtayo ng embahada ng Pilipinas sa Syria at isulong ang komprehensibong diplomatikong ugna-yan sa naturang bansa upang maprotektahan ang mga Pilipino roon.