KASO ito ni Choy at kanyang kasamahan na inakusahan ng pagiging illegal recruiter. Napaniwala niya ang mga biktima na kaya niyang magpadala ng mga tao sa Taiwan bilang mga trabahador sa pabrika. Ang mga biktima niya ay sina Perry, Grace, Len at ang mag-asawang Lino at Arlene na magmula Nobyembre 1999 hanggang Hunyo 23, 2000 ay nakuhanan niya ng halos P345,000.
Nagreklamo ang mga biktima sa POEA nang hindi sila maipadala ni Choy sa ibang bansa. Inilapit naman ng POEA ang kaso sa PAOCTF. Hinuli si Choy sa aktong tumatanggap ng markadong P30,000 mula kay Perry, Grace, Len at Arlene. Nakipagtulungan ang mga biktima para mahuli siya ng PAOCTF.
Nang litisin sa korte, malinaw na napatunayan ng prosekusyon ang sumusunod: konektado si Choy sa pagpapadala ng mga tao sa Taiwan bilang trabahador sa pabrika, hindi naipadala sa Taiwan ang limang biktima, tumanggap si Choy ng pera para sa pag-aayos ng mga dokumento at papeles ng biktima at sa kabila ng paulit-ulit na paghingi ng mga biktima ay hindi niya isinoli ang pera ng mga ito.
Inamin ni Choy ang lahat ng mga paratang sa kanya. Argumento niya, walang ebidensiya ang prosekusyon tungkol sa kailangang lisensiya/awtorisasyon kaya hindi pa rin napapatunayan ang pagiging illegal recruiter niya. Tama ba si Choy?
MALI. Malinaw na sinasaad sa Sec. 6[a-m], RA 8042 na ang isang tao maging lisensiyado man o hindi, awtorisado man o hindi, ay mananagot sa lahat ng kanyang aktibidades na magpapatunay ng kanyang pagiging illegal recruiter.
Sa kaso ni Choy, niloko niya ang mga biktima, pinaniwala na kaya niyang ipadala ang mga ito sa Taiwan, siningil niya at tinanggap mula sa kanila ang iba’t ibang halaga na higit na malaki kaysa sa tinakdang fees na dapat bayaran sa DOLE. Pagkatapos makakuha ng pera, hindi niya napadala sa Taiwan ang mga biktima o kaya ay naibalik man lang ang pera ng mga ito. Hindi na kailangang pag-usapan kung may lisensiya man siya o wala. Ang lisensiya ay hindi importanteng elemento ng krimen.
Napatunayan na nagkasala si Choy sa batas. Malawakan ang ginawa niyang pangloloko dahil higit sa tatlong tao ang sangkot. Limang tao ang naging biktima niya sa kasong ito ng “illegal recruitment”. Nararapat lamang na ipataw sa kanya ang parusang habambuhay na pagkakabilanggo at magmulta ng P500,000. (People vs. Jimmy Ang etc., G.R. 181245, August 6, 2008).