Babaing vice ni McCain mahina dahil walang alam

PINAG-UUSAPAN ngayon dito sa US si Alaska Gov. Sarah Palin, ang kandidatong vice president. Lumakas daw ang kandidatura ni McCain sa pagka-presidente dahil sa pagpili niya kay Sarah bilang kanyang vice.

Pero obserbasyon ko, lalong humina si McCain dahil kay Sarah. Maraming ayaw kay Sarah dahil walang malawak na karanasan para humawak nang mabigat na responsibilidad. Paano kung sila ni McCain ang manalo? At paano kung sa kalagitnaan ng kanilang panunung­kulan ay mamatay o matanggal sa pagka-presidente si McCain? Makaya kaya niyang maging US president?

Talo pa ng Pilipinas ang US dahil dalawang beses nang nagkakaroon ng babaing presidente. Napakatanda na ng US pero hindi pa nila nararanasang magkaroon ng babaing presidente.

Mahigit dalawang buwan na lamang at election na sa US. Maaaring manalo sa election ang itim na kandidato sa katauhan ni Barack Obama. Malay natin, baka siya ang magbago ng kasaysayan ng US. Siya ang magiging kauna-unahang black president ng US.

At tiyak ko, kapag si Obama ang na-elect, malabo nang magkaroon ng babaing US president.

Maganda rin naman sana kung magkakaroon din ng babaing president ang US. Dito ay maraming babaing mahuhusay, ma­tatag at talagang matalino. Halimbawa ay si Senator Hillary Clinton na asawa ni dating US president Bill Clinton at mababanggit din si House Speaker Nancy Pelosi. Sila ay maaaring maging presidente ng US. Kuwalipikado sila at nasi­siguro kong mababago ang history ng maka­pangyarihang bansa ka­pag sila ay nahalal.

Kung ang Pilipinas ay napatakbo na ng dalawang babae, mas lalong mapa­pa­takbo ng babae ang US.

Show comments