ALAM n’yo ba kung magkano lang ang kinikita ng gobyerno sa buwis na galing sa sigarilyo o sa tobacco industry? Siyamnapu’t dalawang bilyong piso lang. At alam n’yo ba kung magkano ang ginagastos ng pamahalaan para sa medical services na may kaugnayan sa sakit na nakukuha sa paninigarilyo? Two hundred seventy six billion pesos lang naman. Ang laki ng deperensiya. Gumagastos ang pamahalaan para magamot ang mga maysakit na nakuha sa paninigarilyo gayung maaari namang mapigilan ang walang kuwentang bisyo. Hindi ba’t nagtatapon lang ng pera ang pamahalaan sa nangyayaring ito?
Alam n’yo rin ba na ang batikang artista na si Paquito Diaz ay iginupo ng kanyang paninigarilyo? Si Paquito ay laging kontrabida sa pelikulang pinagbibidahan ni dating action king Fernando Poe Jr. Matipuno, matikas, malakas at tila walang makatatalo kay Paquito sa kanyang pakikipaglaban sa mga bida pero sigarilyo lamang pala ang makapagpapabagsak sa kanya. Na-stroke si Paquito noong 2004 at sumailalim sa major brain operation. Ang paninigarilyo ang itinuturong dahilan kaya nagkasakit si Paquito. At ngayong nagpapagaling si Paquito, masidhi na ang kanyang paglaban sa paninigarilyo. Itinatakwil na niya ang paninigarilyo. Kasama ni Paquito sa kampanya laban sa paninigarilyo ang kanyang butihing maybahay na si Nena. Kamakalawa, dumalo si Paquito at kanyang maybahay sa paglulunsad ng Project Death Clock sa Legaspi City, Albay. Ang Project Death Clock ay kampanya para isulong ang Graphic Health Bill na naglalayong lagyan ng picture ng mga pakete o kaha ng sigarilyo. Ang ilalagay na picture sa mga kaha ng sigarilyo ay ang mga nakukuhang sakit sa paninigarilyo gaya ng bukol sa pisngi, lalaking payat na payat na pina hihirapan ng cancer sa baga, labi na may sugat dahil sa paninigarilyo at iba pang malulubhang sakit. Ito ay paraan para matakot nang manigarilyo ang mga Pinoy. Batay sa survey malaki ang epekto ng mga nakalarawan sa kaha ng sigarilyo para maitigil ang bisyo. Marami nang bansa sa Asia at Europe ang naglagay ng picture sa mga kaha ng sigarilyo.
Maraming namamatay dahil sa paninigarilyo pero ang mga kongresista ay patuloy na tinutulugan ang Graphic Health Bill. Kailan ba kikilos ang mga mambabatas? Kapag ba marami nang maysakit at nag-aagaw buhay dahil sa paninigarilyo?