DI-TULAD ng House of Representatives na may ga-palasyong gusali sa Batasang Pambansa sa Quezon City, ang Senado ay nakikitira lang sa GSIS building sa Roxas Boulevard, Pasay City. Mahaba-haba ang kasaysayan ng naging tirahan ng ating mga Kamara ng Lehislatura. Nag-umpisa ito sa Ayuntamiento sa Intramuros. Sa aking personal, ang kinamulatang Senado (ng aking ama) ay ang Old Congress Building o Executive House (ngayo’y National Museum) kung saan pinaghatian ng Senado (upper floors) at ng House (lower floors) ang buong gusali. Biro ng iba, dito nag-umpisa ang pagtawag sa Senate na Upper House.
Sa mga mataas na institusyon ng pamahalaan, tanging ang Senado ang natitirang walang sariling tahanan. Sa kabila ng mataas na karangalan ng mga miyembro nitong halal ng buong bansa, hindi ito mabigyan ng opisinang bagay sa antas ng debateng nasasaksihan dito. Naaalala ko pa ang malapalasyong dating ng lumang session hall sa Executive House —– mga marmol na column na umaabot sa matarik na kisame nito. At sa gitna ng kapulungan, sentro, nakaangat at nakaharap sa mga Senador mamamangha ka sa hapag ng Presidente ng Senado na malatuktok ng Mt. Olympus. Dito narinig ang tinig nina Quezon, Roxas, Recto, Laurel, Diokno, Tanada, Rodriguez, Primicias, Aquino, Marcos, Tolentino, at iba pa, ilan lang sa mga senador na nagbigay karangalan sa kanilang posisyon, sa kanilang Kamara at sa kanilang bansa.
Tanging ang Senado, sa kabila ng kaunting kontrobersiya kamakailan, ang institusyong inaasahan ng bansa na titindig upang ipaglaban ang katotohanan tuwing ito’y nakokompromiso ng mga pansariling interes. Walang kokontra sa panukala ni Sen. Miriam na maitayo na rin sa wakas ang sarili nitong gusali imbes na gumagastos pa sa pag-arkila. May naumpisahan na noon na bagong Senado, sa lupa ng COA (ngayo’y House and Senate Electoral tribunal), malapit mis-mo sa Batasang Pambansa. Maganda kung dito itatayo ang Mataas na Kapulungan – at mapapabilis pa lalo ang proseso ng pambabatas sa muling pagsa- ma ng dalawang kamara sa iisang lugar.