TILA nalulunod na ang Mataas na Hukuman sa mga kasong humahamon sa legalidad o Constitutionality ng mga aksyon ng Palasyo. Nitong Agosto, halos nakatira na sa Session Hall ng Supreme Court ang mga GRP at MILF panels, kasama ng mga sektor ng lipunan na tumutuligsa at nagtatanggol dito. Walang tulugan! At hindi pa man nakaiidlip ang mga mahistrado ay heto’t ibinaba nila ang desisyon sa isa pa ring Constitutional issue, ang Executive Privilege sa ZTE-NBN Senate Investigation. May oras pa ba ang ating Justices na intindihin ang mga kaso ni Juan at ni Maria na nangangailangan din ng kanilang atensyon?
Dahil malaki-laki ring bahagi ng oras ng Korte ang nauubos sa pagdinig nitong mga isyu sa interpretasyon ng Saligang Batas, hindi kaya maganda kung ang bayan ay magtatag ng hiwalay na hukuman na ang tanging kargo ay ang desisyunan ang mga kasong konstitusyonal? Napapanahon na ba sa Pilipinas ang isang Constitutional Court?
Ito raw ay alternatibo upang mabawasan ang trabaho ng Supreme Court; upang makasiguro na mga eksperto sa araling Konstitusyon ang hahatol; para makagawa ng mas malayang paraan ng pagpili ng mga mahistrado na mapuproteksyunan din laban sa impluwensya ng Palasyo.
Mayroon ding kontra-argumento, siyempre. Sabi ng iba, ang Konstitusyon ay reaksyon ng panahon sa nasirang sistema ng mga Hari kung saan lahat ng kapangyarihan ay isinakamay sa isang tao. Sinigurong pinaghati ito sa tatlong malaking kagawaran ng pamahalaan -– ehekutibo, lehislatura at hudikatura nang maiwasan ang abuso. Para ka na rin daw nagpuwesto ng bagong hari sa pagkatao ng mga mahistrado ng Constitutional Court kapag binigyan ito ng kapangyarihang panghimasukan ang mga desisyon ng Presidente at ng Kongreso.
Sa walang patid na daloy ng kontrobersiyang konstitusyonal, tanggap ng lahat na malaki ang matutulong ng anumang bagong solusyon na makakagaan sa trabaho ng Mataas na Hukuman nang hindi nasasalaula ang mga konsepto ng demokrasya at republikanismo. May tumataya na ang Constitutional Court ay isang sagot sa lumalalang problema ng bansa. Hindi kaya ito maging paniba-gong problema?