ISA sa problema ng mga pulis ay ang kawalan nila nang malalakas na baril para may maipanlaban sa mga kriminal. Sa mga sunud-sunod na holdapan na nangyayari sa Metro Manila, laging nalalagasan ng miyembro ang PNP dahil mas malakas ang kalibreng baril na hawak ng mga halang ang kaluluwang holdaper.
Ilang buwan na ang nakararaan, dalawang pulis Maynila na nagresponde sa nangyayaring holdapan sa Paco, Manila ang niratrat ng mga holdaper. Walang kalaban-laban ang maiikli at mahinang klase ng baril ng dalawang pulis sa mahahaba at malakas na armas ng mga holdaper. Sunud-sunod pa ang mga naganap na holdapan at pang-aambush at ang mga pulis ay hindi naman agad makakilos sapagkat kamatayan ang kanilang kahaharapin kapag sumugod nang walang dalang malakas na baril.
Tila hindi naman natitigatig ang pamunuan ng PNP sa problemang ito sapagkat sa kabila ng mga nangyayaring krimen ay wala pa ring pag-uutos na isyuhan nang malalakas na baril ang mga pulis, particular ang mga nasa mobile patrol division na laging nakakasagupa ng mga holdaper.
At problemang ito ng PNP ay sinasamantala ng mga magnanakaw para magsagawa ng panghoholdap sa mga banko, pawnshops, at iba establishments. Malalakas na baril gaya ng M-16 at M-14 rifles, grenade launchers at iba pang malakas na baril ang kanilang dala. Malakas ang kanilang loob. Kapag rumesponde ang mga pulis, hindi na sila nangingiming pumatay.
Ang problema sa kakulangan ng mataas na kalibreng baril ay napatunayan na naman noong nakaraang linggo nang isang pulis-Makati ang ratratin ng mga holdaper ng banko. Nilapitan ni PO2 Warren Balang ang isang Tamaraw FX sa Makati Avenue nang paputukan siya.
Ang kasamahan ni Balang na si PO2 Rommel Salcedo ay nakipagpalitan ng putok sa mga holdaper gamit ang shotgun. Pero ano ang ilalaban ng shotgun sa armas ng mga holdaper. Ganoon man, tinamaan pa rin ni Salcedo ang isa sa mga holdaper. Nakatakas ang iba pa.
Ang kakulangan sa malalakas na baril ay nararapat nang pagtuunan ng pansin ng liderato ng PNP. Bago magretiro si General Razon sana naman ay magkaroon nang malalakas na armas ang mga pulis para hindi madehado sa pakikipagsagupa sa mga halang ang kaluluwa.