EDITORYAL - Natutulog sa 'pansitan' ang mga pulis?

MALAPIT nang magretiro ang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Avelino Razon at tiyak na ang papalit sa kanya ay maglalatag na naman ng mga sandamukal na pagbabago para sa organi­ sa­syon. Tiyak na ang isa sa mga ipangangako ng magi­ging PNP chief ay ang pagkakaroon ng police visibility. Tiyak na ioorder niya na magpatrulya ang mga pulis para ganap na mapangalagaan ang mamamayan laban sa mga masasamang-loob. Tiyak na ipag-uutos niya na magkaroon ng mga pulis sa mga pampa­saherong sasakyan para hindi makapambiktima ang mga holdaper. Tiyak na ipag-uutos niya sa mga pulis na huwag gagawa ng anumang ikasisira ng imahe ng PNP. Tiyak na babantaang sisibakin ang mga pulis na masasangkot sa hulidap, pagprotekta sa mga drug pusher at mangongotong.

Halos mga ganitong pagbabago at kautusan ang ipai­ iral ng bagong hepe ng PNP at wala itong ipinag­kaiba sa mga pinangako ng mga nakaraang PNP. Natural namang magpapasikat ang bagong hepe ng PNP para hindi mapagtawanan o ismolin. Pero makalipas lamang ang ilang buwan na makaupo sa puwesto ang bagong PNP chief ay hindi na maalala ang kanyang mga pinangako. Nawala na ang igting ng kanyang pag­sisikap na mapaunlad ang PNP sa pamamagitan ng pagrereporma. Nawala na ang sigasig.

Isa sa nakalimutan ay ang police visibility na lub­ hang mahalaga sa kasalukuyan sapagkat nagkalat ang mga masasamang-loob na umaatake sa mga kawa­wang sibilyan. Pinakamahalaga ang pagka­karoon ng police visibility sapagkat magdadalawang-isip ang mga gagawa ng masama. Kung may nakikita silang pulis na nagpapatrulya lalo sa gabi, maka­darama ng kaseguruhan ang mamamayan. Naiisip nila na maliligtas sila sa panganib sapagkat may mga pulis na alerto at handang sumagupa sa mga “walang kaluluwang kriminal”.

Kung may police visibility, maaaring nahuli ang mga tumambang kay Batanes Gov. Telesforo Castillejos noong madaling araw ng Huwebes. Tinamaan sa leeg at balikat si Castillejos samantang kritikal ang kanyang driver na tinamaan sa katawan. Ang anak ng governor ay hindi tinamaan at ito ang nag-drive para maihatid ng ospital ang ama at driver.

Kung may police visibility, hindi sana nagawang holdapin ang isang empleada habang nakasakay sa dyip sa Pasig City. Binaril sa ulo ang empleada at ngayon ay patuloy na inoobserbahan.

Kailan matututo ang PNP officials na tuparin ang kanilang binibitawang salita?

 

Show comments