NA-OVER power pala mga suki ang kapulisan ni Makati City police chief Sr. Supt. Gilbert Cruz kaya nakatakas ang bank robbers matapos mapatay si PO2 Warren Balang. Nag-ugat ang kamatayan ni Balang nang sitahin niya ang heavily tinted Toyota FX na may plakang TPN-485 sa Makati Avenue corner Durian Street dahil sa hinalang over loaded ito.
Ngunit nang magbukas ang bintana ng FX ay umalingawngaw ang putok mula sa mataas na kalibre ng baril. Bumulagta si Balang sa kalsada.
Naging maagap naman ang kasama niyang si PO2 Rommel Salcedo na gumanti ng putok gamit ang shotgun kaya nabutas ng bahagya ang kaha ng FX maging ang salamin nito na ikinasugat ni Jimmy Espina.
Agad na itinakas si Espina ng kanyang mga kasamahan subalit namatay ito dahil sa tama sa likurang bahagi ng katawan. Nagkabutas-butas naman ang Mobile Car 229 nang bistayin ng papatakas na mga suspek.
Ayon sa mga nakausap kong residente, napilitang magtago si Salcedo sa Mobile Car 229 nang paulanan siya ng bala mula sa M-14 at M-16 riffle ng mga suspek.
Bagamat dehado sa baril buo naman umano ang loob ni Salcedo ng mga sandaling iyon na nakita nilang gumaganti ng putok sa mga suspek gamit ang shotgun. Subalit mas malakas talaga ang tama ng armalite kaya tumatagos sa mobile car. Ang bala ng shotgun ni Salcedo ay hindi halos makabutas sa kaha ng FX.
Mamang Pulis chief Gen. Razon Sir, panahon na para armasan ng matataas na kalibre ng baril ang mga pulis sa mobile group para hindi madehado sa mga pakikipaglaban sa mga holdaper.
Sa panahon ngayon na nagkalat na ang mga organisadong kriminal sa lansangan, nararapat lamang isyuhan mo na rin ng mga armalite ang mga pulis mo para makasabay sa bakbakan. Di ba sir?
Kailangan na rin sigurong pakilusin mo ang iyong mga opisyales para matunton ang lungga ng mga pusakal. May balita kasi akong nasagap na ang mga armas umano ng sindikato ay nagmumula sa mga security agency. Inuupahan umano ng sindikato ang mga baril tuwing sasalakay.
Paimbestigahan mo na rin ang security agencies na may malalakas na kalibre ng baril upang mawala ang hinala ng taumbayan na sila na nga ang nagsu-supply ng gamit sa mga pusakal. Kilos Mamang Pulis chief Razon bago pa sumapit ang Setyembre 27. Baka magbago ang ihip ng hangin at mapalawig ang iyong puwesto.