MAS MALALA kaysa pakikipag-negosasyon sa mga walang awtoridad ay ang pakikipagkasundo sa mga terorista. At ano pa nga ba ang ituturing sa Moro Islamic Liberation Front?
Ang panununog ng mga bahay, pagpatay ng mga sibilyan pati mga bata, at paggamit sa tao bilang panangga sa pagsugod o pag-atras nitong mga nakaraang araw ay hindi bagong taktika ng mga rebelde. Dati nang nambabandido ang mga katulad nina Commander Bravo Macapaar at Ameril Umbra Kato ng MILF 102nd at 105th Base Commands. Lagi lang nangangakong napapako ang komite sentral na paparusahan sila, kundi man ay naghuhugas kamay dahil lost command umano sila. Pero kung susundan ang website ng mga separatista, pinararangalan nila ang mga pambubusabos sa mga sibilyan. Makikita dito ang ugali nilang terorista. Nabatid dapat ito ng Malacañang para hindi ituring ang MILF na mga nakikibaka para sa kalayaan kundi mga aktibong nagsusulong ng ubusan ng lahi. Kaso mo, bago pa man nagpauto ang Malacañang na pumasok sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain, nangarap na ito nang gising na makakamit ang kapayapaan kung makiapid sa terorista.
Kung sabagay, talagang lito ang Palasyo. Bakit kamo? Isang mataas na opisyal doon ay kasama ni MILF founder Salamat Hashim sa pakikibaka laban kay Marcos. Isang buwan bago siya mamatay sa stroke nu’ng Hulyo 2003, sa udyok ng kaibigang ‘yon ay lumantad si Hashim para itakwil ang terorismo. Nauna rito, sa payo rin ng kasama, lumiham si Hashim kay US President George W, Bush para apurahin ang kasunduan para matigil na ang 30-taong secession. Kumbaga, naagaw ng kaaway ang inisyatiba. Ibinaling ng US-AID lahat ng pondo sa Moro land. At nangako ng dagdag pang tulong oras na magpirmahan ng peace pact. Sa gitna ng excitement, nakalimutang hindi pala sineryoso ng MILF field men ang nais ni Hashim na kontra-terorismo.
Nagpapanukala si Sen. Juan Ponce Enrile na ituring na terorista ang MILF. Huli na ang lahat. Nagkakaloob na nga ang Palasyo ng teritoryo.