Panaginip

Ngayon ay panahong masarap matulog

Sapagka’t maulan sa gabi’y mahamog

Ganitong panaho’y biyaya ang dulot

Sa katawang hirap sa maghapong kayod!

 

Kaiba sa ibang natutulog ngayon

Sa pananaginip ako ay nabaon;

Halos gabi-gabi may mga okasyon

Na nakikita kong ngayon at kahapon!

 

Minsa’y nakita ko sa aking pangarap

Isang kapatid kong namatay sa hirap;

Siya’y nakangiti at tawag ng tawag

Nang maglapit kami ako ay niyakap!

 

Sumunod sa aking panaginip naman

Mabait kong hipag na namamaalam;

Patay na rin siya’t ako’y nilapitan

Lamig ng kamay n’ya’y aking naramdaman!

 

Isang gabi namang ako’y nanonood

Ng program sa TV ako’y nakatulog;

Sa upuang silya ako ay nahulog

Pagka’t sa pangarap ako ay natisod!

 

Dalawang patay na ang aking nakita

Sa panaginip ko na hindi masaya;

Ang sumunod dito’y nakapagtataka

Ito’y technicolor at napakaganda!

 

Sa aking pangarap ay kitang-kita ko

May dalawang anghel binubuhat ako;

Nang hindi mabuhat -– ako’y pinaupo

Sa pinto ng langit doon kay San Pedro!

 

Utos ni San Pedro ay buhatin ko na

Donasyon kong threadmill sa mga matanda;

Sapagka’t mabigat hindi ko rin kaya

Kaya si San Pedro ay tawa nang tawa!

 

Donasyon kong threadmill sa senior citizens

Nang magising ako’y marumi’t marusing

Walang gumagamit walang pumapansin

Kaya ipinasyang donasyo’y linisin!

Show comments