KAPANSIN-PANSIN ang taxi. Naakit si Herb sa kintab nang pumara ito sa tapat niya sa airport. Makisig sa puting polo shirt at itim na pantalon ang driver, na maliksing bumaba at umikot para pagbuksan siya ng pinto sa likod. Inabot niya kay Herb ang laminated card na nagsasabi: “Ako si Wally, ang driver mo. Habang ikinakarga ko ang mga maleta mo sa trunk, basahin mo sana ang mission statement ko.” Nabigla si Herb pero binasa ang mission statement: “Wally’s Mission Statement: Ihatid ang pasahero sa destinasyon sa pinaka-mabilis, tahimik at murang paraan habang nakikipag-kaibigan.”
Ngayon lang nakasakay sa ganitong cabbie ang biyaherong si Herb. Kasinlinis ng labas ang loob. Pag-upo rin ni Wally, tinanong ang pasahero: “Gusto mo’ng kape? Meron akong thermos ng regular at bukod na decaf.” Nagbiro si Herb, “Soft drink sana.” Ngumiti si Wally, “May cooler sa harap ng regular o diet Coke at tubig.” Nauutal na humingi ng Diet si Herb.
Pagkaabot ng inumin, ani Wally, “Gusto mo ng mababasa, meron akong diyaryo at magasin.” Pag-andar nila, nag-abot si Wally ng isa pang laminated card: “Ito ang mga istasyon at uri ng musikang nakukuha ng radyo ko, kung gusto mo makinig.” Tanong pa ni Wally, “Komportable ba ang aircon?” Pinaalam niya sa pasahero ang pinakamainam na ruta sa paroroonan sa oras na ‘yon. At kung nais ng kuwentuhan, game siya, lalo na tungkol sa mga makikita, pero okey ring tumahimik lang siya.
“Ganito ka ba talaga sa customers?” usisa ni Herb. Ngumiti si Wally sa rearview mirror: “Hindi lagi. Kung tutuusin nga, dalawang taon lang. Nu’ng unang limang taon ko pagda-drive, puro angal lang ako, tulad ng iba. Tapos narinig ko sa radyo ang personal development adviser. Aniya, ‘pag bumangon kang umaasang masama ang araw mo, sasama nga ito. Huwag kang itik na puro putak, kundi agilang lumilipad.’ Tinamaan ako. Nagbago ako. Winaksi ko ang kasungitan, kagulangan, kadumihan.”
“Sa palagay ko, may idinulot namang mabuti ito sa ‘yo,” giit ni Herb. “Aba oo, nu’ng unang taon ko’ng pagiging agila, dumoble ang kita ko. Ngayon, doble pa uli. Marami akong suki, malalaki mag-tip. Kung hindi ko maserbisan, pinasusundo ko sa mga kaibigang kapwa agila.”
Leksiyon: Nasa iyo kung nais mong magserbisyo — at umunlad.