Toto

SA gitna ng panibagong kaguluhan sa Mindanao, par­tikular na ang giyera sa pagitan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at government forces, tahimik na pumanaw dahil sa sakit noong Huwebes, August 7, si Datu Ib­rahim Paglas III na mas kilala sa tawag na “Toto Paglas”.

Si Toto, 48, ay isa sa mga tinitingalang haligi ng Muslim community sa Mindanao. Nirespeto at iniidolo si Toto hindi lamang ng mga Muslim, ngunit maging  ng mga Kristiyano at  mga Lumad. Nakuha rin ni Toto ang respeto ng mga pangulo ng ating bansa, kasali na ang mga dating pangulo na sina Fidel Ramos at Joseph Estrada, at si President Arroyo mismo.

Ang mga dayuhang opisyales at negosyante, kagaya ni Microsoft founder Bill Gates na kung saan nakadaupang palad niya noong siya ay naging Eisenhower fellow noong 2005, ay bilib din kay Toto. Si US President George Bush ay nagpadala rin ng liham kay Toto na kung saan nakasaad na napansin niya ang extraordinary na mga ginagawa niya para sa mga taga-Mindanao.

Si Toto ay pamangkin ni Hashim Salamat, ang yumaong MILF chairman, maliban pa sa kanyang pagiging apo ni Senator Salipada K. Pendatun. Ang katayuang ito ang naging dahilan din upang maging tulay si Toto sa maraming pag-aayos sa mga naghihidwaang grupo noon. Si Toto ay naging mukha na ng kapayapaan para sa mga taong nakakakilala sa kanya.

Naging mayor din si Toto ng bayan ng Datu Paglas, Ma­guindanao ng tatlong termino (1988 to 1998) at dahil sa kan­yang pamamahala, malaki ang pagbabagong naganap sa da­ting walang kalatuy-latoy na lugar. Naging kilala rin si Toto sa kanyang sikat na slogan na “Sa Datu Paglas, bawal ang tamad”.

Binigyan ni Toto ng buhay ang Datu Paglas at ito ay aking nakita mismo nang ipinasyal  niya ako sa banana plantation ng kanyang Paglas Corporation na itinayo niya noong 1997. Pinag­yabang ni Toto sa akin ang Rural Bank of Datu Paglas na sabi niya ang kauna-unahang banko sa bayan nila. At natuwa siyang tinuro sa akin ang isang appliance store sa may palengke na sinabi niyang kauna-unahan din sa Datu Paglas.

At noong dinala niya ako sa kanilang parang rest house sa itaas ng bundok ng Datu Paglas, pinakita niya sa akin ang lawak ng kanilang banana plantation at sabay niyang sinabi na —— “Ang tanging paraan patungo sa kapayapaan ay ang tulungan ang mga tao na umahon sa kahirapan.”

Hindi na ako nagtaka kasi si Toto ay talagang “he walked the talk”. Hindi lamang siya hanggang salita. Ginawa niya ang mga pinagsasabi niya. Ang mga tauhan niya sa banana plantation ay pawang mga dating rebeldeng Moro National Liberation Front at maging mga New People’s Army din na nagbagong buhay na, maliban pa sa kanyang mga constituents sa Datu Paglas at mga karatig bayan nito sa Maguindanao.

At naalala ko ang sagot ni Toto sa tanong ko kung ano ang gagawin niya noong pinaslang ang kanyang kapatid noong 1998 sa karatig bayan ng Columbio. Mariin ang sagot ni Toto, “Hinding hindi ako maghihiganti. Bakit ako mag­hihiganti na kung tutuusin mga pinsan lang din namin ang may kagagawan noon. Kailangan nang mahinto ang patayan kung hindi mauubos ang lahi namin.”

Hindi ginawa ni Toto ang paghihiganti o ‘rido’ kahit na siya ay malapit sa mga sundalo dahil sa kanyang paging adopted member ng Class 1983 ng Philippine Military Academy.

Isa pang ugali ni Toto ang hinangaan ko ay ang kanyang pagpakumbaba. Suot ang kanyang signature na maong at puting shirt o camisa de chino, iniiwasan ni Toto ang maki­halubilo sa mga VIPS. Parati siyang nasa tabi lang at tahimik na nag­ma­masid, pumupunta lang sa mga pagtitipon pag kailangan na siya.

Pumanaw si Toto mga ilang araw lang bago ang eleksyon na naman ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) bukas. Tumakbo ngunit natalo si Toto sa pagka-gobernador ng ARMM noong 2001 at 2005. Paano kasi, nasa oposisyon si Toto noon at hindi siya ang pinili ng administrasyong Arroyo upang maging kandidato nito. Eh, di  sana naging progresibo na ngayon ang ARMM kung nanalo si Toto bilang gobernador.

Kahit nga natalo si Toto sa kanyang kandidatura hindi siya huminto sa pagtulong sa mga mahihirap, maging Muslim man, Kristiyano o Lumad. Gumawa pa nga siya ng foundation noong isang taon upang makatulong sa mga marurunong ngunit hikahos sa buhay.

Sinabi rin sa akin ni Toto noon na “edukasyon ang tanging susi sa pag-unlad ng aking mga kapatid na Muslim”.

May isa pang ugali si Toto tuwing nagkikita kami na hinding-hindi  ko makakalimutan. Parati niyang sasabihin sa akin na nababasa niya ang mga sinusulat kong ulat sa Philippine STAR. At lalapit iyon sa akin at kuwento siya nang kuwento sa mga detalye ng pinagsusulat ko.

Ngunit ngayon, nawalan nga ako ng isang reader ngunit mas higit na malaking kawalan sa Mindanao ang pagpanaw ni Toto.

Show comments