MAHIRAP ang buhay ngayong mga panahon na ito, nagmamahalan ang mga produktong pagkain pati na ang produktong petrolyo.
Mga bagay na nagbibigay ng kalbaryo anuman ang estado mo sa buhay subalit mas apektado ang mga mali-liit nating kababayan.
Mahirap na nga, ginatungan pa ng mga mapagsamantala sa lansangan. Isa na dito ay ang garapalan at harap-harapang kotongang nangyayari sa Meycauyan, Bulacan.
Ilang drayber at kunduktor ng mga bus at jeepney sa Meycauayan, Bulacan ang lumapit sa BITAG at Mission X upang isumbong ang aktibidades ng ilang bagitong pulis at sibilyan.
Araw-araw, kinakailangan nilang magbayad ng P40 pesos kada bus upang hindi sila hulihin pagtuntong ng teritoryo ng Meycauayan
Wala daw silang ligtas dahil may resibong ibinibigay ang mga alipores o kolektor ng mga Meycauyan police at chinichek daw ng mga buwaya ang listahan kung sinu-sino na ang mga nakapagbigay at hindi pa.
Ang siste, habang nagsasampahan sa mga sasakyan ang mga alipores upang maningil, nasa liliman o gilid ng kalsada lamang, nagmamatyag at naghihintay sa senyas ng kanilang mga alaga kung sino ang papalya.
Oras na hindi mo patuntungin ang mga kolektor sa iyong sasakyan, sisenyas ang mga ito sa kanilang amo at agad namang reresponde ang mga ito, huhulihin at lalagyan ka ng violation na out of line.
Sa tulong ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detec- tion Group-Provincial Police, naisagawa ang entrapment operation.
Pinuno ng mga kolektor ang nahulog sa aming patibong dahil wala ang kanilang mga among parak ng mga oras na iyon.
Nangumpisal naman sa Mission X at BITAG ang nahuling suspek, nagbanggit ito ng mga pangalang nakikina-bang sa kanilang hinuhuthot na pera sa mga bus at jeep sa Meycauayan, Bulacan.
Kasama sa binang- git ng suspek ang pangalang Mayora (?) na inaasahan na ng aming grupo dahil sa walang pakundangan, garapalan at harap-harapan ang kotongang ito.
Patunay dito ang presensiya ng mga bagitong pulis sa lugar sa oras ng kotongan at ang panghuhuli ng mga ito sa mga sasakyang itinitimbre ng kanilang mga alaga.
Sa BITAG at Mission X, habang maliit pa ang sungay (ng mga bagitong pulis) TABASIN na, tuldukan na, tigilan na!