ISANG kulay itim na Toyota Innova ang aking na pansin kailan lang. Wala naman pinagkaiba ito sa dami-dami ng Innova sa kalye. Maayos namang magmaneho ang drayber nito. Ang akin lang napansin hindi ko makita ang letra at numero ng kanyang plaka, dahil natatakpan ng itim na pintura. Madilim na madilim na tint ang ginamit para hindi talaga makikita ang nakalagay sa plaka. Ang dalawang plaka ang tinakpan. Katunayan, bumaba ako ng sasakyan para makita lang ang plaka— LRD 77, kung hindi ako nagkakamali.
Pero ang kapansin-pansing ginamit para takpan ang plaka ay ang mga letrang PNP na tila nakaimprenta rito. Ayun, pulis pala! At ito ang pangunahing problema ng PNP. Paano rerespetuhin ang mga pulis, kung mismo sila ang unang lumalabag sa mga patakaran na ipinapatupad nila? Natatandaan ko na kinunan pa ng media ang paghuhuli sa mga sasakyan na may mga takip ang mga plaka, walang plaka o di kaya’y hindi tama ang pag-display ng plaka. Pulis pa nga ang isang nahuli, natural. Gusto nilang linisin ang imahe ng PNP, pero ganito naman ang makikita mo sa kalye. Ano naman ang dahilan ng sasakyan para takpan nang todo ang kanyang plaka?
Pero dahil ganun din ang administrasyong ito na pinipilit ang mamamayan na sumunod sa batas pero sila naman ang unang lumalabag nito sa pamama gitan ng lantarang katiwalian, eh ganun na rin ang pulis. May “No Plate, No Travel Policy” ang PNP, pero sigurado ako hindi papansinin ang itim na Innova dahil mas makikita mo kaagad ang mga letrang PNP, bago mo mapansin na may plaka pala. Eh yung may takip pa lang alam na nating bawal.
Iyan ang realidad dito sa ating bansa. Ang mga nasa poder at otoridad ay mas inaatupag pa ang mga sarili nilang kapakanan, kasikatan, kayabangan bago ang kanilang pangunahing tungkulin na magsilbi sa mamamayan. Kadalasan pa ay ang mga dapat nilang silbihan ang kanilang tinutulak, inaapakan, hinahawi para sa sarili nilang benepisyo. Maliban na lang kung nagpapapogi gaya ng mga nanghuli ng mga sasakyan sa harap ng media, o ang pagbibigay ng subsidy at tu-long sa iilan lang. Kailangan na lang lahat ng kilos ay may kapalit para mapabango at mapaganda ang pa ngalan, na ang totoo ay pansarili at masama ang pakay.