EDITORYAL – Hindi sana ningas-kugon sa kampanyang pagtitipid

NAKAPANGANGAMBA ang balitang aabot sa P80 ang isang litro ng gasoline. Kung ngayong nasa P56 pa lamang ang isang litro ng gasoline ay hirap na hirap na         ang mamamayan, paano pa nga kung tumaas pa. Tiyak na magtataas pa ang pamasahe, presyo ng bigas, karne, mantika, isda, gulay at marami pang iba. Saan pupulutin     ang mga Pinoy sa ganito kahigpit na sitwasyon?

Ang tanging alam na paraan ng gobyerno ay ang pagtitipid sa paggamit ng gasoline at saka kuryente. Noong nakaraang linggo, sinabi ng Malacañang na ipatutupad na ang pagtitipid sa kuryente, at lilimitahan na ang paggamit ng  mga sasakyang malakas lumaklak ng  gasoline. Inatasan ang mga tanggapan ng pamahalaan na ipatupad ang pagtitipid sa enerhiya at ganundin sa paggamit ng mga sasakyang malakas sa gasolina. Maski ang mga ilaw na malakas kumunsumo ng kuryente ay nararapat palitan para maliit lamang ang magamit na enerhiya.

Ang ganitong direktba ng Malacañang ay lagi nang ipinatutupad sa tuwing magkakaroon ng krisis o pag­ma­mahal sa presyo ng petroleum products. Kaila­ngang    ma­ipatupad ang pagtitipid. Sabi pa ng Malacañang ang    mga taong gobyerno ang nararapat na maging halim-bawa ng mamamayan para maisakatuparan ang kam­panya sa pagtitipid. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagtitipid, gagayahin ito ng mamamayan at magkaka-  roon ng ma­buting resulta.

Subalit ang sinasabing pagtitipid na ikinakampanya ng Malacañang ay maaaring hindi na naman lubusang maisa­katuparan sapagkat pakitang-tao lamang ang ipina­ kikitang pagtitipid. Ang nangyayari, tipid ngayon pero bukas ay hindi na.

Halimbawa rito ay ang patuloy na pagkunsumo ng kuryente ng mga nakabukas na ilaw sa mga poste kahit sa katirikan ng araw. Gaano karaming kuryente ang naaaksaya sa ganyang kapabayaan?

Marami pa rin naman ang mga sasakyang gobyerno na yumayaot kahit lampas na sa oras ng trabaho. Ang mga sasakyang ginagamit ay malakas sa gasolina. Sinabi pa naman ng Malacañang na kung maaari ay  mag-commute na lamang ang mga Cabinet members para ma­ ipakita na sinsero ang gobyerno sa kampanya sa pag­titipid ng gasolina at krudo. Maaari naman daw sumakay ng LRT ang mga Cabinet officials at igarahe na ang kanilang mamahaling SUV.

Maganda ang kampanya ng Malacañang para ma­katipid pero duda kami kung susundin ito ng mga Cabinet member. Hindi kami kumbinsido na ang mga taong gobyerno na nasanay sa malalamig na sasakyan ay mapapasakay sa mga sasakyang nagbubuga nang maitim na usok. Hindi sila ganoon ka-martir.

Katulad sa mga nakaraang kampanya at panawagan para magtipid sa gasolina at kuryente, duda kaming sa umpisa lamang ito mangyayari. Ningas-kugon din ang uuwian ng lahat ng ito.

Show comments