(Ikalawa/Huling Bahagi)
Kapag pinag-uusapan ng mga nakaaalam o mga eksperto, hindi madali ngunit mayron naman talagang lunas ang problemang ito ng pagkain at enerhiya sa Pilipinas. Biniyayaan tayo ng napakaraming natural resources, napakasuwerte daw talaga ng Pilipinas. Pero heto ang mga hinalal nating mga lider ng ating bansa — mula barangay chairman, konsehal, Mayor, Governor, congressman, senador at Presidente. Nakakabigay ba sila ng solusyon? Kung mayroon man ay bakit hindi natin nararamdaman? Tila ang mga biyaya ng ating lupa ay ipit sa gitna ng pangangailangan ng bayan at ng mapagsariling interes ng mga namamahal sa mga lupaing ito — kung hindi man dahil sa ginagamit ito para sa sariling kabusugan ng mga may kapangyarihan ay dahil sa kabobohan ng pagpaplano.
Hindi kasi suportado ng gobyerno ang mga programa na sumusulong ng biofuels. Kahit may Biofuel law na tayo. Iba ang prioridad ng gobyer no na sigurado malakas ang impluwensiya ng malalaking kompanyang petrolyo. Sa diesel lang, napakaraming klaseng mantika ang pwedeng baguhin lang ng bahagya para magamit bilang gatong sa mga makinang diesel. Sinasabi ng mga kompanyang petrolyo na masama sa makina ang mga produktong ito, pero sa totoo, mas maganda pa tumakbo kapag biodiesel ang ginamit, at marahan pa sa kalikasan. Ang unang makinang diesel ay inimbento para tumakbo sa mantika ng mani! Kaya sa Thailand, maraming lupa ang tinataniman ng puno ng niyog, na pinaggagalingan ng palm oil. Hindi pa hihinto ang pagtaas pa ng presyo ng krudo. Matagal na tayong hawak sa leeg ng mga bansang mayaman sa langis. Panahon na para humanap ng mga alternatibong panggatong. At kung nagagawa ng Thailand ang magandang balanse ng pagkain at panggatong, bakit hindi natin magawa? Kasi ayaw banggain ng gobyerno ang mga kumpanya na nag-aalaga rin sa kanila, na tumutulong para manatili sila sa kapangyarihan!