GRABE na ang isinadsad ng halaga ng shares of stocks sa Manila Electric Company dahil sa batuhan ng alegasyon ng Government Service Insurance System at ng mga Lopezes na siyang namamahala sa kompanya.
Matapos ang usapin tungkol sa diumano’y pagsingil ng Meralco sa kuryenteng kinukonsumo nito mula sa mga customers, mayroon na namang bagong akusasyon ang GSIS. Pati raw ang pension plan ng Meralco para sa mga empleyado nito ay sinisingil sa may 4.4 milyong power consumers.
Ang alegasyon ay mula mismo sa Chief Legal Counsel ng GSIS na si Estrella Elamparo. Aniya, noong 2007 ay umabot sa P2.86 bilyon at P1.79 bilyon noong 2006 ang ginamit ng Meralco sa pagbabayad ng pension sa mga nagretirong kawani. Ayon kay Elamparo, makikita mismo sa financial statements ng Meralco sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang iregularidad.
“This is the Lopezes’ way of currying favor and ensuring the loyalty of Meralco employees. But they are at our expense,” ani Elamparo. Hay naku, walang katapusang batuhan ng alegasyon iyan, at sino ang nagdurusa, eh di taumbayan.
Baka may bagong superstar na namang ilalabas ang Meralco para magpaliwanag sa telebisyon gaya ng gina-wa ni Judy-Ann Santos na nagpaliwanag sa “system loss.” Kawawang Juday, pati siya ngayo’y binoboykot ng grupo ng mga consumers!
Ang ganyang uri kasi ng akusasyon, may basehan man o wala ay pihong kakagat sa simpatiya ng bayan. Mantakin mong maliliit na kostumer ng kuryente ang pinipiga ng isang higanteng korporasyon?
Sana lang, matapos na ang sigalot na ito para naman matahimik na ang bayan.