DALAWAMPU’T SIYAM NA SAKSAK ang tinamo ng biktima at ang sinasabing dahilan ng suspek ay SELF DEFENSE daw lamang ito.
“Bakit Homicide lang ang kasong isinampa gayung malinaw na Murder ang ginawang pagpatay sa aking tatay?” ganito ang unang tanung ni Richard Loto ng magpunta sa aming tanggapan nung May 26, 2008.
Ang kanyang ama na si Victor Loto natagpuang patay sa ilog nung ika-7 taong 2004, alas nuebe ng umaga sa Barangay Malbog, Buenavista Marinduque.
Si Richard ay panganay sa walong magkakapatid. 12 taon itong nagtatrabaho bilang isang mekaniko sa Maynila.
December 8, 2004 nakatanggap ng tawag ang kanyang tiyahin na si Susan Corpuz. Pagdating ni Richard galing trabaho ay kinausap siya nito. Binalita sa kanya na pinatay ang kanyang ama. Hindi ito makapaniwala. Tumawag sa kapatid na si Michelle na nasa Marinduque.
“Sinabi niya habang umiiyak. ‘Kuya ang tatay patay na’. Tinanong ko kung paano? Timambangan ito sa ilog sagot ng aking kapatid. Hindi na muna ako nag-usisa, agad akong nag empake. Nagpaalam ako sa trabaho at lumuwas patungong Marinduque ng gabing iyo.” kwento ni Richard.
Umaga na ng makarating ito sa kanila. Sinalubong siya ng kanyang ina na si Helen habang umiiyak. Nakaburol na ang kanyang ama. Kinuwento ni Helen ang pangyayari.
Mula sa bahay nila ay bumaba ng bundok ang mag-asawa. Naligo muna sila sa may poso. Si Helen ay naglalaba. Si Victor naman ay lumusong patungnong bayan. Kukuha sana ng rasyon ng tuba para ibenta, dala nya ang galon na paglalagyan nito. Umalis si Victor na nakahubad at humingi ng barya kay Helen pambili ng sigarilyo.
Dadaan dapat ito sa tindahan para bumili at dun na umano ito tinambangan ng pamilya Atienza. Habang tumatawid siya sa ilog sinalubong na siya ng sibat at pinagtulungan siya ng mga Atienza at tinatad ng saksak.
May batang nakakita at tumakbo agad ito patungong bayan. Nakasalubong nito ang pinsan niyang sina Edward at Rexon at ibinalita nito ang kanyang nasaksihan.
Pinuntahan nila ang scene-of-the crime at si Edward naman ay pumunta sa presinto. Pagdating nila ay maraming ng mga usisero.
Narinig ni Helen na maingay sa may baba kaya pinuntahan niya ito at nakasalubong si Rexon. Sinabi na patay na ang kanyang asawa. Nagmadali silang bumaba at nakita nga nila na bangkay na ang kanyang asawa.
Dumating si Edward kasama ang mga pulis at ilang tanod. Ayon sa Medico-Legal-Examination Report na isinagawa ni Dr. Arnel Salcedo, 29 na saksak ang tinamo ng biktima. Maraming stab wounds sa dibdib, tiyan, tagiliran. Lacerated wounds sa ulo at leeg.
May mga nakakita sa pangyayari ngunit takot na magbigay ng pahayag dahil baka balikan ng mga Atienza. Si “Lobo” na isang parolado umano ay may dalang sibat na ginamit pagpatay kay Victor. Si “Rading” Atienza naman ay hunting knife ng ginamit. Kasama rin umano ang anak na si Nolan Atienza.
Matapos ang pangyayaring kusang loob na sumuko si Gerardo “Rading” Atienza 44 taong gulang. Upang akuin ang krimen. Nagtungo ito sa Buenavista Police Station alas kuatro ng hapon.
Nagbigay ng sinumpaang salaysay si Rading kasama si Fr. Flodentino Pinaroc ang kanyang napiling gabay. Napatay niya si Victor dahil hinarang siya sa kanyang daraanan. May galit umano ito sa kanya dahil siya ang pinagbibintangan kumuha ng alagang aso na nakatali sa dampa.
“Nang ako ay kanyang harangin, inundayan niya ako ng dalang sibat at sinabing ‘ngayon ka’. Nagpang-agaw kami ng dala niyang sibat ngunit siya ay nadulas. Binunot ko ang dala kong hunting knife at siya ay sinaksak ko ng sinaksak. Binunot ko rin ang dala kong itak at siya ay aking tinaga. Hindi ko na alam kung san tumama ang mga taga dahilan sa ako’y pinagdiliman. Nadampot ko din ang kanyang sibat at naisibat ko sa kanya.” ayon sa sinumpaang salysay ni Rading.
Si Rading ay nakulong sa Buenavista Police Station ng dalawang buwan matapos sumuko. Nakalaya din agad ito matapos makapagpiyansa dahil nga Homicide ang kaso.
Masakit sa pamilya Loto ang sinapit ni Victor. Wala silang maisip na motibo para sapitin ang ganun kabrutal na pagpatay. Hindi kapani paniwala ang dahilan na binigay ni Rading ng dahil lang sa isang nawalang aso.
Mas naging mapait para sa kanila dahil ang kasong murder na isinampa nila ay naging Homicide na lang. Bakit kaya naging ganito Mr. Prosecutor? Hindi ba’t isang elemento na makikita dito ay ang dami ng saksak na tinamo ng biktima. 29 na saksak at self defense ang ginawa nito. Malinaw na determinadong patayin ang biktima at sa dami ng saksak talagang HINDI IIWAN NG BUHAY ITO!
Ngayon ang kasong ito ay hindi pa nareresolba. Umaasa ang pamilya Loto na makakamit nila ang hustisya. Nakipag-ugnayan kami sa tanggapan ni Provincial Prosecutor Bimbo Mercado sa Boac Marinduque.
Nangako si Prosecutor Mercado na titingnan niya kung ano ang kanyang maitutulong sa pamilya ng biktima.
PARA SA BIKTIMA NG KRIMEN o may legal problems tumawag sa 6387285 o 6373965-70 o magtext sa 09213263166 at 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City o mag Email sa tocal13@yahoo.com.