Ngayon ay Hunyo na — ito’y buwan ng pag-ibig
darami na ang magkasing sa simbaha’y pahahatid;
sa harap ng altar sila ay luluhod kamay magkakawit
at sa basbas nitong pari ay uuwing nasa langit!
Palibhasa’y buwan ito ng ligaya’t pagmamahal
ang gusto ng mga mutya sila’y maging ‘June Bride’
yayayain na nitong mutya kasintahan ay pakasal
kaya sila’y bubuklurin sa simbahan o katedral!
Sana’y laging ganito nga ang damdaming magkakatnig
mga mutya at binatang ang sintaha’y hanggang langit;
at sana nga kung buklod na ang damdami’t pag-iisip
magsasamang habangbuhay sa suyuang walang patid!
Marami na ang magkasing nagpakasal ngayong Hunyo
pero sila nang magsama’y kapwa sila naging bigo;
ang lalaki’y tumiwalag sa sumpaan at pangako
iniwanang lumuluha mga anak at kasuyo!
Bakit kaya si lalaki’y lumayo sa kanyang mahal?
dahil kaya si babae ay nagtaksil sa sumpaan?
baka ito’y bungangera kung magselos ay number one
kaya itong si lalaki nagpasiyang siya’y iwan!
Bakit kaya si babae natuwa pa nang umalis
ang asawang nagsisikap na buhayin ng malinis
ang pamilyang naghihirap kaya siya’y nagtitiis
gusto pala ni babae ay ginhawang walang mintis!
Kaya payo nitong pitak dapat sila’y manindigan
sa sumpaang silang dalwa’y magtatapat sa suyuan;
dapat sila ay magsama sa ginhawa at hirap man
ang magselos at salapi kapwa nila tatalikdan!
Kung mahirap sila kapwang nagpakasal ngayon Hunyo
italaga ang sariling magdusa at masiphayo;
baka naman si lalaki ay maayos ang trabaho
sa dasal at pagtitiis pinatama pa sa lotto!
Kung mayaman si lalaking nagpatali sa mahirap
yaman ninyo’y paunlarin at magsama ng maluwag;
si lalaki ay bayaang yaman ninyo’y mapaunlad
at ang yaman ay hatiin sa magiging mga anak!
Kung mayaman si babaing naangkin ng maralita
si lalaki ay tratuhing katulad mo na sagana;
mahalin mo si lalaking inibig mo kahi’t dukha
at kayo ay magsasamang sa ligaya’y sawang-sawa!