DAHIL sa mga naganap na karima-rimarim na krimen noong mga nakaraang linggo, nasa usapin na naman ang pagbabalik ng death penalty bilang parusa sa mga karumal-dumal na krimen.
Maglalahad ng panukalang batas si Sen. Miguel Zubiri na ibalik ang parusang kamatayan para sa ilang mga krimen. Sigurado may mga tututol dito, at alam ng senador iyon. Pero dahil nga sa tila walang ikinakatakot na ang mga kriminal sa paggawa ng kanilang mga masasamang aktibidad, kinakailangan nang bigyan ng pansin ang pagbabalik ng matinding parusa.
Matindi ang debate ukol dito. At, sa totoo lang, paulit-ulit lang ang mga argumento tungkol dito sa tuwing may nagaganap na karumal-dumal na krimen. Ayon sa mga tutol dito, hindi rin nakababawas ang parusang kamatayan sa paggawa ng krimen. Kailangan ding igalang ang buhay ng mga kriminal, kahit gaano pa kasama ang kanilang krimen.
Labag daw ito sa karapatang pantao. At hindi rin naman nakababawas sa krimen ang parusang kamatayan, kaya maraming bansa sa mundo ang nagtanggal na nito. Sigurado ako na ito’y walang saysay para sa mga kamag-anak at kaibigan ng mga biktima.
Sa kabilang banda naman ng debate, nawala na raw ang karapatan nilang iyon noong hindi rin iginalang ang karapatan ng kanilang mga biktima.
Sa Lumang Tipan ng Bibliya, may bersikulo doon na nagsasabing “An eye for an eye, a tooth for a tooth.” Kung ano ang kasalanan, iyon din dapat ang parusa. Marami nang bansa ang nagtanggal ng kamatayan bilang parusa, pero may 62 pang mga bansa ang gumagamit nito bilang parusa. Nangunguna na rito ang China.
Kaya tingnan ang China. Laganap ba ang krimen sa China? May mga naririnig ba tayong mga krimen katulad nung naganap sa Laguna? Matindi ang parusa kaya madalang ang krimen. Hindi naman nawawalang tuluyan, pero madalang.
Madalas ang kuwentuhan na kapag nahatulang may sala ang isang tao at kamatayan ang parusa, ipinapatupad kaagad ito. Kaya naman laging nasa mga mata ng mga organisasyon ng karapatang pantao ang China. Pero hindi pa rin nito tinatanggal ang parusa.
Para sa kanila, panakot na rin ito para sa mga nagtatangkang gumawa ng krimen. Gawin na rin nating halimbawa ang Subic. Sa Kamaynilaan, marami ang hindi sumusunod sa batas trapiko. Pero bakit kapag na nasa loob na ng Subic, maayos magmaneho ang lahat? Dahil matindi ang batas, matindi rin ang parusa. Ito ang puno’t dulo ng debate sa parusang kamatayan: Una, hinuhuli ba ang mga kriminal? Hindi ba nadidiin lang ang mahihirap at walang koneksiyon sa parusang kamatayan? Maayos ba ang usad ng hustisya sa Pilipinas? Madali lang ang pagbuo ng batas. At mas madali ang magdebate mula umaga hanggang gabi. Pero nasa tuloy-tuloy at maayos na pagpatupad ng kahit anong batas nakasalalay kung ito ay magiging epektibo nga o hindi.